AGAD naharang ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng biktima ng scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Batay sa report ni BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) Chief Mary Jane Hizon,ang biktima na kinilala lamang sa alyas Amy, 27, ay naharang noong Enero 2 matapos tangkaing i-bypass ang inspeksyon ng immigration at nagkunwaring turista na patungong Bangkok.
Sa kanilang inspeksyon, hindi maipakita ni Amy ang kanyang pasaporte at boarding pass, na sinasabing hawak ito ng hindi kilalang lalaki na nakilala niya sa isang restaurant malapit sa terminal.
Nagawa pa ng biktima na ipakita ang larawan ng kanyang pasaporte at boarding pass na nakitaan ng pekeng immigration stamp.
Aminado si Amy na nakita niya ang isang post sa Facebook na nag-a-advertise ng mga serbisyo ng immigration escort at nagbayad siya ng PHP 120,000 sa online bank transfer.
Naniniwala si BI commissioner Anthony Viado na posibleng si alyas Amy ay naakit o nabiktima ng isang mail-order bride syndicate. (NINO ACLAN)