Thu. Jan 9th, 2025

 

BILANG pagsunod sa utos ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na alisin ang red tape sa kawanihan nadakip ng pinagsamang operatiba ng NBI – Cybercrime Division (NBI-CCD) at NBI – Special Task Force (NBI-STF) ang apat na empleyado ng NBI sa ilalim ng Information and Communication Technology Division (NBI-ICTD), na nagsabwatan para sa Direktang Panunuhol sa ilalim ng Artikulo 210 ng Binagong Kodigo Penal (RPC); Seksyon 3(b) at (e) ng R.A. Blg. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act); Seksyon 7(d) ng R.A. Blg. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees); at Seksyon 21(c) at (h) ng R.A. Blg. 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018) kaugnay sa Seksyon 6 ng R.A. Blg. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Naaresto rin ang pitong fixer sa labas ng NBI Clearance Center dahil sa paglabag sa Seksyon 21(c), (g), at (h) ng R.A. Blg. 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018) kaugnay sa R.A. Blg. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Ayon kay Santiago, nagsimula ang operasyon mula sa isang impormasyon na nagsasabing ang isang empleyado ng NBI ay nakikipagsabwatan sa mga fixer sa paglalabas ng NBI Clearance Certificates.

Ang naturang NBI employee ay nagpapadali umano sa pagproseso ng mga aplikasyon ng NBI clearance kapalit ng bayad na mula Php800.00 – Php2,000.00.

Agad na nagsagawa ng aksyon ang NBI-CCD na nagpatunay sa katotohanan ng impormasyon.

Noong Enero 6, 2025, nagtungo ang mga pinagsamang operatiba ng NBI-CCD at NBI-STF sa NBI Clearance Center para sa operasyon ng entrapment, na nagresulta sa pag-aresto sa apat  na empleyado ng NBI sa akto ng paglabag sa mga nabanggit na batas at ang pag-aresto sa pitong fixer sa labas ng NBI Clearance Center.

Iniharap noong Enero 7, 2025 ang mga suspek para sa mga paglilitis sa inquest sa harap ng Prosecutor General, Department of Justice (DOJ), Padre Faura, Taft Avenue, Maynila.

Binigyang-diin ni Santiago na walang lugar para sa mga corrupt na gawain sa NBI sa ilalim ng kanyang pamumuno at nagbabala na magiging walang humpay ang pag-uusig sa mga indibidwal na lalabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act Law.(NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *