📷Divina law team
Inutusan ng Muntinlupa court si director Darryl Yap at kanyang mga kinatawan na tanggalin ang teaser at iba pang materyales ng kanyang pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Ipinagkaloob ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 ang petisyon na writ of habeas data na isinampa noong Lunes ng actor- host na si Vic Sotto, na binanggit at inakusahang nanggahasa sa teaser ng pelikula.
Pinagbawalan ng RTC si Yap na ipamahagi ang lahat ng promotional materials, teasers, at iba pang content ng kanyang pelikula.
Inatasan din siyang alisin ang lahat ng materyales na naipaskil na sa social media gayundin ang pag-share nito.
“May utos na po ang korte sa writ of habeas data na ito ay lumalabag sa karapatan ng ating kliyente kung kaya’t pansamantala ay grinant ang habeas data,” sabi ni Atty. Enrique Dela Cruz, abogado ni Sotto.
“Ibig sabihin ay tigilan muna natin ang pag po-post, pag she-share ng mga bagay na ito hanggang sa ito ay mapag usapan,” dagdag niya.
Sa inilabas na utos ng hukuman, sinabing kailangang humarap si Yap sa summary hearing ng petition for a writ of habeas data sa Enero 15.
Batay sa ulat, sinabi ni Dela Cruz na layunin ng petisyon na protektahan ang privacy ni Sotto dahil ang rape ay isang sensitibong personal na impormasyon.
Ang alegasyon aniya ng rape ay nagdulot ng pagbabanta kay Sotto at kanyang misis na si Pauleen Luna at ang kanilang anak ay nakaranas ng pambu-bully.
Naghain din ng 19 counts ng cyberlibel si Sotto laban kay Yap kaugnay sa movie teaser. (ZIA LUNA)