Mon. Jan 20th, 2025

INAKUSAHAN ni Sen. Cynthia Villar ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng pagtanggap ng suhol na P300 milyon kapalit ng pagbibigay ng environmental compliance certificates (ECCs) para sa 22 reclamation projects sa buong bansa.

Ibinunyag ni Villar, chairperson ng Senate committee on environment, natural resources, and climate change, na sinibak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang noo’y DENR Secretary Roy Cimatu dahil sa umano’y pagtanggap ng suhol mula sa mga proponent o contractor ng reclamation projects.

Sa kanyang talumpati sa isang medical mission sa Barangay Zapote, Las Pinas noong Biyernes, sinabi niya na ang tanggapan ni Duterte noon ay nagsaliksik at nalaman na si Cimatu ay nakatanggap umano ng P300 milyon na kickback noong Abril 2022.

Gayunpaman, walang isyu sa katiwalian na dahilan kaya nagbitiw  si Cimatu noong namumuno pa ito sa DENR, pahayag noon ng Malacañang.

Ang paglilinaw ay ginawa, isang araw matapos ihayag ni Duterte na pinaalis niya ang hindi bababa sa anim na opisyal ng gabinete na sangkot sa mga kuwestiyonableng reclamation deal sa Manila Bay.

“Ang lupa sa may Mall of Asia ay P500,000 up to P1 million per square meter, kaya pag naka-reclaim ka dun, yayaman ka. Kaya gustong-gusto nila ‘yun, malaki ang nilalagay nila (bribe) para maka-reclaim sila,” sabi ni Villar sa isang recorded video.

Sa harap ng mga dumalo sa medical mission, binatikos din ni Villar ang sarili niyang kapatid, ang yumaong Las Pinas Mayor Vergel na tumanggap umano ng P35 milyon mula sa developer ng reclamation project sa Manila Bay dalawang dekada na ang nakararaan.

Ang DENR ay naglabas ng ECC para sa 22 reclamation projects sa buong Pilipinas.

Gayunpaman, 13 lamang sa mga proyektong ito ang nasa Manila Bay, ayon sa  Philippine Reclamation Authority (PRA) at tatlo ang ipinapatupad ngayon, habang ang sampu ay sumusunod pa rin sa mga pre-construction na dokumento at iba pang permit mula sa PRA at iba pang ahensya ng gobyerno.

Ayon sa PRA, ang mga proyekto sa Manila Bay ay naaprubahan mula 2019 hanggang 2021, habang ang iba pang mga proyekto ay pinayagan na mula noong huling bahagi ng 1990s.

Giit ni Villar, maaaring katiwalian ang dahilan ng pagtulak sa proyekto. Nagalit ang kontrobersyal na senador nang pag-usapan ang mga reclamation project sa budget hearing para sa DENR, Oktubre 11, 2023.

Nanggalaiti si Villar nang marinig na ang mga reclamation project malapit sa Manila-Cavite Expressway o CAVITEX ay nakatanggap ng ECC mula sa ahensya, na lingid aniya sa kaalaman ni dating Pangulong Duterte ang tungkol sa mga naturang proyekto.

Pinangunahan ni Villar ang pagdinig sa panukalang P23-bilyong budget ng DENR para sa 2023, at naubos ang kanyang pasensya nang mabigo si Environmental Management Bureau (EMB) director William Cuñado na ilista ang mga lugar sa Cavite na sasakupin ng reclamation project.

“T—ina ‘to. Ano ‘yung coastal road? I-enumerate mo anong bayan sa Cavite,” nanggigigil na utos ni Villar kay Cuñado.

Nagalit si Villar nang malaman na ang mga reclamation project malapit sa Manila-Cavite Expressway o Cavitex ay binigyan ng ECC ng DENR. (ZIA LUNA)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *