TINAWAG ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “sinungaling” si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte dahil sa pagsasabing naglalaman ng mga blangko ang 2025 General Appropriations Act (GAA) ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ito ni Marcos Jr. sa isang ambush interview sa Bonifacio Global City matapos mag-akusa si Duterte sa isang podcast noong weekend na may mga blangko sa badyet ngayong taon.
Ani Duterte, ang mga item sa badyet ay hindi dapat iwanang walang laman upang mapunan sa susunod, idinagdag na ang sinumang pakialaman ang badyet ay maaaring mahaharap sa kasong kriminal.
“(Duterte is) lying. He’s a president, he knows that you cannot pass a GAA with a blank (budget),” sabi ni Marcos Jr. sa media matapos dumalo sa paglulunsad ng Tesla Center Philippines.
“He’s lying because he knows perfectly well that that doesn’t ever happen. Sa buong kasaysayan ng buong Pilipinas, hindi pinapayagan na magkaroon ng item ang GAA ng hindi nakalagay kung ano yung project at kung ano yung gastos, ano yung pondo,” dagdag ng Pangulo.
Aniya, ang mga pahayag na ito ay hindi ang aktwal na proseso at nililinlang ni Duterte ang publiko kung paano pinangangasiwaan ang mga dokumento ng badyet sa Pilipinas.
Upang higit pang pabulaanan ang Bintang ni Duterte, ipinaliwanag ni Marcos Jr. na ang buong GAA, kasama ang 4,000 mga pahina ng dokumentasyon nito, ay makikita ng publiko online para sa pagsisiyasat.
Hinimok niya ang publiko na huwag mag-aksaya ng oras sa masusing pagsusuri sa buong dokumento.
“Wag niyo na busisiin isa-isa. Hanapin niyo yung sinasabi nila na blank check. Tingnan ninyo kung mayroon na kahit isa. Para mapatunayan na tama ang sinasabi ko, kasinungalingan yan,” giit ni Marcos.
Kinondena na ng Malacañang ang mga pahayag ni Duterte tungkol sa diumano’y mga “discrepancies” sa 2025 national budget, na tinawag itong “kriminal.”
Sa isang hiwalay na pahayag, inilarawan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang mga aksyon ni Duterte, kasama ng iba pang sangkot, bilang pagpapakalat ng maling impormasyon.
“‘Some quarters, including a former president, have maliciously peddled fake news about President Marcos having signed the GAA (General Appropriations Act) of 2025 with certain parts of the enactment purposely left blank to enable the administration to simply fill in the amounts like in a blank check,” ani Bersamin.
”The peddling of such fake news is outrightly malicious and should be condemned as criminal. No page of the 2025 National Budget was left unturned before the president signed it into law,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Bersamin na ang dalawang malawak na volume ng P6.326-trillion budget, na may kabuuang 4,057 na pahina, ay masusing sinuri ng daan-daang propesyonal na kawani mula sa Kongreso at Department of Budget and Management. (ROSE NOVENARIO)