Sat. Jan 18th, 2025

HAWAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bola sa pag-usad ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Walang kibo si Marcos Jr. habang ‘binabalatan’ ng Mababang Kapulungan si VP Sara kaugnay sa kuwestiyonableng paggasta ng mahigit P600 milyong confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamamahala ng bise presidente.

Umalma lang ng kaunti ang Pangulo nang magpakawala ng pagbabanta si VP Sara laban sa kanya at kina First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

Pero bago pa man naisampa ang unang impeachment complaint laban kay VP Sara, kumambyo si Marcos Jr. at nagpahayag na tutol dito sa katwirang walang maitutulong ito sa buhay ng Pinoy.

Bagama’t nanindigan siya na walang hurisdiksyon sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) na nag-iimbestiga sa reklamong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa madugong drug war, hindi niya inawat ang imbestigasyon ng House Quad Committee sa anila’y koneksyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), extrajudicial killings, Chinese syndicates at illegal drug trade.

Nagbigay ng inisyal na konklusyon ang QuadComm na si dating Pangulong Duterte ay nasa sentro ng isang malaking criminal enterprise at sistematikong korapsyon na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng gobyerno at international drug trafficking networks.

Pinayagan din na makalabas ng bansa si ret. Col. Royina Garma, na kumanta ng reward system sa drug war ni Duterte, na kasalukuyang nasa kustodiya ng US , habang si self-confessed Davao death squad member Edgar Matobato ay nakarating na sa ICC bilang testigo laban sa dating pangulo.

Lumalabas na ang dalawang alas ni Marcos Jr. laban sa mga Duterte ay wala ngayon sa kanyang mga kamay, bagkus ay hawak sila ng US at ICC sa The Netherlands, pero siya pa rin ang huling magpapasya.

Kapag isinampa na ng Department of Justice (DOJ) ang kaso laban kay Garma kaugnay sa pagpatay kay dating Phil. Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga, maoobliga ang administrasyong Marcos Jr. na hiilingin sa US ang kustodiya kay Garma sa pamamagitan ng extradition.

Maaaring hingin ng US na kapalit ni Garma si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apolo Quiboloy na santambak ang kaso sa Amerika o may maganap na ‘prisoner swap.’

Sakali naman na ilabas na ng ICC ang international warrant laban sa dating pangulo, puwede naman siyang ibigay sa Interpol bilang miyembro rito ang Pilipinas.

Puwedeng nakikita ni Marcos Jr. ang dalawang alas bilang mas mabigat at may impact sa international community kaysa hayaan niyang umusad ang impeachment na hindi naman magtatagumpay dahil haharangin ng mga kaalyadong mambabatas ng mga Duterte.

Ngunit sakaling maging matindi ang panawagan na Impeach Sara at malaki ang tsansang malagas ang kanyang mga kaalyado sa politika kapag hindi siya kumilos, ang huling baraha na posibleng bunutin ni Marcos Jr. ay magpatawag siya ng special session ng Kongreso para umusad na ito.

Section 15, Article VI of the Philippine Constitution empowers the President to call a special session of Congress when necessary.

Abangan ang susunod na kabanata.

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *