SA kabila ng rally ng Iglesia ni Cristo, tungkulin ng House of Representatives na talakayin ang tatlong impeachment complaints laban kay VP Sara Duterte na inihain noong nakaraang buwan, ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Chairperson at Makabayan senatorial aspirant Teddy Casiño.
Sa ilalim aniya ng impeachment rules, dapat agad na ipadala ni House Secretary General Velasco ang mga reklamo kay Speaker Martin Romualdez na isasama ito sa Order of Business sa loob ng 10 araw ng sesyon.
Magkakaroon aniya ang plenaryo ng tatlong araw ng sesyon para i-refer ang usapin sa justice committee na magkakaroon ng 60 araw para makabuo ng mga natuklasan nito.
Paliwanag ni Casiño, kung sa loob ng panahong iyon ang alinman sa mga reklamo ay makakalap ng suporta ng 1/3 ng Kamara, agad itong ipapadala sa Senado para sa paglilitis.
Kailangang magpasya ang mga mambabatas kung si VP Duterte ay nagtaksil sa tiwala ng publiko, nakagawa ng paglabag sa Konstitusyon, o nasangkot sa panunuhol, graft at katiwalian, o anumang iba pang batayan para sa kanyang impeachment.
“The evidence that she did are all in the complaints. They know it. We know it. Even members of the INC know it,” giit ni Casiño.
Hindi aniya dapat paikutan ang tungkuling ito sa Konstitusyon at ang laki ng mga rally na pabor o laban sa impeachment ay hindi dapat lambungan ang hatol ng mga miyembro ng Kongreso, na kailangang magdesisyon batay sa merito ng reklamo.
Ito ang tanging pagkakataon kung saan ang mga kongresista ay ginagampanan ang tungkulin ng mga tagausig at mga senador ang tungkulin ng mga hukom, ani Casiño.
“This is the only instance where congressmen take on the role of prosecutors and senators the role of judges,” anang Makabayan senatorial bet.
“Kung tayo ay tunay na para sa kapayapaan at pagkakaisa, ito ay kailangang batay sa katarungan at pananagutan. “
Hamon niya sa mga mambabatas, kagyat na aksyonan ang impeachment complaints. (ROSE NOVENARIO)