There can be no peace without justice.
Ito ang pahayag ni Bayan Chairperson and former Bayan Muna Rep. Teddy Casiño kaugnay sa isasagawang ‘Rally for Peace’ ng Iglesia ni Cristo bukas, Enero 13, sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Kahit itanggi pa aniya ng mga organizer ng rally na wala itong bahid ng politika, umaalingasaw ang motibo nito bilang pagbibigay proteksyon kay Vice President Sara Duterte mula sa impeachment at sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pananagutan sa crimes against humanity.
Binigyan diin ni Casiño na ang tunay na hustisya ay nagtatakda ng pananagutan, lalo na sa mga inabuso ang kanilang kapangyarihan at inapi ang mga mamamayan.
“The Iglesia ni Cristo has labeled their activity a “Rally for Peace.” But there can be no peace without justice. And true justice demands accountability, especially from those who abuse their power and oppress the people.”
Dapat aniyang ipaalaala sa sambayanan na ang impeachment complaints laban kay VP Sara at ang isinagawang imbestigasyon ng Kongreso, at ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Duterte ay mga wastong paraan upang singilin sila sa mga ginawang kasalanan.
Giit niya, hindi ito ginawa upang maghasik ng kaguluhan o magpabagsak ng bansa, sa halip, ang layunin nito’y protektahan ang publiko mula sa katiwalian, paniniil at impunity o kawalan ng pananagutan, na mga dahilan kung bakit walang kapayapaan sa ating bansa. (ROSE NOVENARIO)