ISINASAGAWA ang paghahanda para maibalik ang mga labi ng isang migranteng Pinay na iniulat na pinatay ng kanyang asawa sa Slovenia, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na ang Philippine Embassy sa Vienna, na responsable para sa Slovenia, ang nangunguna sa mga pagsisikap sa repatriation, na may suportang pinansyal mula sa DFA.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Austria, Evangelina Lourdes Arroyo-Bernas, na ang gobyerno ng Slovenian ay “napaka-cooperative” sa buong prosesong ito.
Binigyang-diin din ni De Vega ang mahahalagang kontribusyon ng Philippine Honorary Consul sa Bratislava sa pangangalap ng impormasyon at pagpapadali ng koordinasyon.
Ang biktimang si Marvil Facturan, ay pinaslang ng kanyang asawang si Mitja Kocjancic, habang nagbakasyon sa Bled, Slovenia, noong Disyembre 29, ayon sa pahayag ng Commission on Filipinos Overseas na inilabas noong Biyernes.
“We extend our thoughts and prayers to Marvil’s family. We stand in solidarity with them, condemning acts of domestic violence, seeking justice for our kababayan, and honoring the beautiful life she lived,” pahayag ng komisyon. (ZIA LUNA)