BINATIKOS ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang ilulunsad na rally ng Iglesia ni Cristo (INC) at SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta sa Enero 13, at inilarawan ito bilang isang malinaw na pagtatangka na protektahan si Vice President Sara Duterte mula sa pananagutan sa mga alegasyon ng katiwalian.
Giit ni Castro, ang rally na ito ay hindi tungkol sa kapayapaan at pagkakaisa bagkus ay isang kalkuladong hakbang upang protektahan si VP Sara mula sa pagsagot sa mga seryosong paratang tungkol sa kanyang maling paggamit ng confidential funds at ang kanyang pananagutan para sa lumalalang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.
Binigyang-diin ni Castro na ang timing ng rally ay kasabay ng lumalaking demand ng publiko para sa pananagutan, na ayon sa survey ng Social Weather Stations ay nagpapakitang 41% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa impeachment ni VP Sara.
“The Filipino people deserve answers about the unexplained use of confidential funds. As a former Education Secretary, VP Duterte must also answer for the alarming decline in our students’ performance in international assessments for math, English, and science during her watch,” sabi ni Castro.
Ipinunto ng mambabatas na hindi makakamit ang tunay na kapayapaan at pagkakaisa sa pamamagitan ng pagharang sa mga lehitimong panawagan para sa pananagutan.
“Walang rally ang makapagbubura sa katotohanang dapat managot ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang mga ginawa. Ang milyong Pilipinong sumusuporta sa impeachment ay humihingi ng hustisya at pananagutan, hindi political theatrics. Walang tunay na kapayapaan kung walang hustisya,” pagtatapos ni Castro. (ROSE NOVENARIO)