Tue. Jan 14th, 2025

📷Las Pinas City Councilor Mark Anthony Santos

 

MATAPOS mabistong hindi pagmamay-ari ng kanyang pamilya ang ipinangakong ipamumudmod na lupa kapalit ng boto sa 2025 midterm elections, naglakas pa ng loob si Sen. Cynthia Villar na bumalik sa Sitio Pugad Lawin, Barangay Almanza Dos para muling magtalumpati tungkol naman sa ipamamahaging ayuda.

Maliban sa ayuda, cash prizes ang alok ni Villar sa mga patimpalak at paligsahan ang kanyang ipamimigay sa mga residente.

“Lahat ng sumali sa ating pa-contest sa bawat barangay ay may premyo at ang lahat ng nanood ay may ayuda,” ani Villar sa kanyang limang minutong talumpati na trending na muli ngayon sa social media.

“Last November, ang binigyan natin ng ayuda na mga senior citizen ay 50,000, sa solo parent at person with disability ay tig-5,000, a total of 60,000 na ayuda ang ating naipamigay at yan ang ating aytuda program” ito ipinagyabang ni Villar kasama ang kanyang pamangkin na si Councilor Carlo Aguilar.

Sambit pa ng kontrobersayal na Senadora, ang kanyang anak na si Senator Mark Villar ay naglagay na raw ng budget para sa ayuda “kaya tuluy-tulouy ang ayuda sa 2025. Kaya kayo sumali kayo sa mga activity para kayo ay may ayuda,” dagdag niya.

Kaugnay nito, inihayag ni Las Pinas Councilor Mark Anthony Santos, hindi na kayang sambitin ni Villar sa mga tao ang patungkol sa limang-ektaryang lupa ng Sitio Pugad Lawin na tinitirhan ng 4,800 residente matapos mabuking na hindi naman pala pag-aari ito ng pamilya Villar.

Matatandaang ipinagmalaki ni Villar sa mga residente na ipapamahagi nilang magkakapatid ang lupa sa kondisyong dapat ay suportahan ang kanilang mga kandidato sa May 2025 elections.

“Matapos maging viral sa social media ang video ng senadora na kanya daw ipamamahagi sa mga residente ang limang-ektaryang lupa, ngayon iba naman ang pamboboladas ni Villar sa mga tao para lang makakuha ng boto sa lugar sa dating na halalan sa Mayo,” sinabi ni Santos.

Aniya, nabuking at napahiya sa buong bansa kaya umiba ang tono na ngayon ni Villar. “Mula lupa ngayon ayuda na lang”.

Batay sa record ng Las Piñas City Hall, hindi kailanman nakapangalan ang lupa sa mga Aguilar o Villar na inaangkin ng senadora. Nagsulputan at dumami ang mga informal settler sa Sitio Pugad matapos ang EDSA Revolution noong 1986.

Hinimok ni Santos ang mga residente ng Sitio Pugad Lawin na huwag paniwalaan ang bagong pambobola ni Villar patungkol sa ayuda at cash prizes dahil ang kanyang ipinamigay ay mula sa buwis ng bawat Pilipino at hindi galing sa sarili niyang bulsa.

Una nang pinaalalahanan  ni Santos ang kanyang mga kababayan na tanggapin ang bigas at pera na ipinamumudmod ng mga mayayaman na kandidato pero iboto ang kursunada nilang susunod na mga lider ng lungsod pagdating ng halalan sa Mayo.

Payo niya sa mga botante, huwag matakot sa banta ng ilang politiko na malalaman nila ‘pag hindi sila ang ibinoto sa halalan dahil computerized na aniya ang election at botante lang ang nakakaalam ng kanyang boto. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *