Tue. Jan 14th, 2025

“HINDI sinasalamin ng Senate Bill 890 o “An Act Rightsizing the National Government to Improve Public Service Delivery and for Other Purposes” ang aktwal na kalagayan ng ating public healthcare system. Habang sinasabi ng bill na layunin nitong mapabuti ang public delivery of services, sa katotohanan, maaaring lalo lamang nitong palalain ang mga umiiral na suliranin sa ating healthcare sector.”

Pahayag ito ng Alliance of Health Workers (AHW) na tumututol sa SB 890 dahil naniniwala ang grupo na isang hakbang ito na hindi tugma sa mga pangangailangan ng mga pasyente at sa mga hamon ng kalusugan na kinakaharap ng bansa.

Dumalo ang kinatawan ng AHW na si Ernesto Bulanadi, pangulo ng Tondo Medical Center Employees Association-Alliance of Health Workers (TMCEA-AHW),sa ginanap na pagdinig hinggil sa SB 890, kasama ang mga guro at iba pang kawani ng gobyerno.

Ayon sa kalatas ng AHW, bagama’t sang-ayon ang grupo na dapat ayusin ang tamang staffing sa mga ahensya ng gobyerno upang mapahusay pa ang Public Service Delivery para sa ating mamamayan, ngunit batay sa laman ng Senate Bill No 890, hindi nito masusolusyunan ang  anila’y kalunos-lunos na kalagayan ng DOH hospitals.

“Ang mabagal at hindi de-kalidad na serbisyo sa mga ospital ay madalas na nakikita sa mga mahahabang pila ng mga pasyente, na maaaring umabot ng apat na oras o higit pa bago sila makakuha ng kinakailangang medical na atensyon,” sabi ng AHW.

“Ang mga suliraning ito ay hindi lamang dahil sa kakulangan ng staff, kundi pati na rin sa kakulangan ng mga pasilidad, kagamitan, at iba pang makinarya na kinakailangan upang mas mabilis at mas epektibong magbigay ng serbisyo,” dagdag ng grupo ng healthworkers.

Nakapaloob anila sa Senate Bill 890 ang malayang pagpapasok  ng private sector sa mga ahensya ng gobyerno (section 4 b.)

Nanindigan ang AHW na hindi kailangan ng private sector upang maisaayos ang paghahatid ng serbisyo-publiko.

“Ang dapat ay  ipagpatuloy ang pagsasanay at pagpapaunlad ng mga government employees upang mapanatili ang kalidad ng serbisyo at epektibong pamamahala sa mga proyektong may kaugnayan sa publiko,” giit ng AHW. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *