HINDI ngayon ang tamang panahon para talakayin ang mga proseso ng impeachment dahil malapit na ang panahon ng kampanya kaya’t hindi praktikal ang mga naturang talakayan, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Tugon ito ni Marcos Jr. sa mga tanong hinggil sa mga pahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa impeachment at sa kamakailang rally ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ayon kay Marcos Jr, kinilala niya ang pagiging dalubhasa sa mga legal na usapin ni Enrile ngunit binigyang-diin niya ang mga hamon sa pagpapatuloy ng impeachment sa panahong ito.
“Well, you know, JPE is one of our best legal thinkers in the country. And he is right, there is a consequence to – there will be a precedent, and it will be very problematic,” sabi ni Marcos Jr.
“Even if Congress is mandated to process these […], the House doesn’t have a choice, and the Senate doesn’t have a choice once these impeachment complaints are filed. But I still think that now is not the time to go through that,” dagdag niya.
Ipinunto ni Marcos Jr. na ang nalalapit na campaign period para sa 2025 midterm elections ay makahahadlang sa kakayahan ng legislative body na bumuo ng isang quorum, kaya hindi praktikal ang impeachment proceedings.
“Ipaubaya na muna natin sa ating… Tutal as a practical matter, papasok na tayo sa campaign period. Wala ng congressman, wala ng senador dahil nangangampanya na sila. Hindi tayo makakapagbuo ng quorum,” ani Marcos Jr.
Sinabi ni Enrile, sa isang post sa Facebook noong nakaraang linggo, ang impeachment ay isang constitutional legal mechanism na idinisenyo para tanggalin ang isang opisyal ng gobyerno sa pwesto, kung mayroong sapat na batayan at sumusuportang ebidensya.
Nauna nang binanggit ng INC na ang malawakang rally, na dinaluhan ng tinatayang 1.8 milyong kalahok sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ay hindi pampulitika sa kabila ng pagpapahayag ng suporta sa posisyon ni Marcos Jr. na tumututol sa mga pagsisikap sa impeachment laban sa kanyang dating running mate na si Vice President Sara Duterte.
Matatandaang sinabi ni Marcos Jr. na hindi niya susuportahan ang anumang pagtatangkang impeachment laban sa Bise Presidente, dahil hindi ito makatutulong sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino. (ZIA LUNA)