📷Karapatan | FB
NAGSAMPA ng disbarment complaint laban kay Rodrigo Duterte sa Korte Suprema ngayon, Enero 17, 2025, ang mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings, kasama ang mga human rights advocates.
Ang mga petitioner, sa pangunguna ni Lean Porquia, Atty. Sina VJ Topacio, at Llore Pasco, mga kamag-anak ng mga biktima, ay hiniling ang disbarment laban kay Duterte sa dahil sa anila’y paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) at bunsod ng ipinakitang pag-uugali na hindi nararapat sa isang abogado.
Giit nila, si Duterte ay nagpakita ng tahasang pagwawalang-bahala sa mga pamantayang etikal at tuntunin ng batas, na pinatunayan ng kanyang pampublikong pag-amin sa pamumuno sa isang death squad, pagsulong ng karahasan at pang-aabuso na nakabatay sa kasarian, pag-aalaga ng kultura ng impunity kawalan ng pananagutan, at pag-uudyok ng extrajudicial killings.
Inendorso ng human rights group na KARAPATAN ang inisyatiba bilang bahagi ng mas malawak na pagsisikap na panagutin si Duterte sa mga paglabag sa karapatang pantao at mamamayan.
Naniniwala ang petitioners na may karagdagang kahalagahan ito kaugnay ng kamakailang deklarasyon ni Duterte bilang isa sa bubuo sa legal na kakatawan sa kanyang anak na si Vice President Sara Duterte sa mga paglilitis sa impeachment complaint na isinampa laban sa kanya sa Kongreso. (ROSE NOVENARIO)