📷Ex-Iloilo City Mayor Jed Mabilog
KINOMPIRMA ng Malacañang na binigyan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng executive clemency si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog matapos siyang iugnay administrasyong Duterte sa operasyon ng illegal drugs.
Sa isang Viber message sa mga mamamahayag, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na totoo ang mga ulat na pinagkalooban ni Marcos Jr. ng executive clemency o presidential pardon si Mabilog.
“Yes, that’s true,” ani Bersamin sa tanong ng mga mamamahayag hinggil sa isyu.
Naharap sa mga legal na usapin at mga alegasyon si Mabilog, nagsilbing alkalde ng Iloilo City mula 2010 hanggang 2017, na nagbigay daan sa pag-alis sa kanya sa puwesto makaraang isama siya sa drug list ng administrasyong Duterte.
Napilitan si Mabilog na umalis ng bansa bunsod ng panganib sa kanyang buhay hanggang nagtungo sa US para sa political asylum.
Kabilang sa mga kasong isinampa kay Mabilog ay paglabag sa “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” sa Sandiganbayan Third Division, at pagsuway sa “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees” sa Lapu-Lapu City Regional Trial Court Branch 73 sa Cebu.
Noong Setyembre10, 2024, nagbalik sa Pilipinas si Mabilog at humarap sa imbestigasyon ng House Quad Committee at isiniwalat na maaaring kaya siya idinawit sa illegal drugs ni dating Panguong Rodrigo Duterte dahil hindi niya sinuportahan ang presidential bid nito noong 2016 at nanalo sa Iloilo City ay si Mar Roxas.
Sinabi ng abogado ni Mabilog na si Jeric Jucaban na ang desisyon ni Marcos Jr. na bigyan ng executive clemency si Mabilog ay “remarkable victory.”
“Today, we celebrate a remarkable victory! A heartfelt thank you to President Bongbong Marcos for granting clemency to former Mayor Jed Mabilog,” sabi ni Jucaban sa pahayag na ipinaskil sa Facebook.
“This incredible news represents not only a new chapter for Mayor Mabilog and his family but also validation for those who believed in justice and second chances,” dagdag niya. (ROSE NOVENARIO)