Nagpúlong ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Komisyon sa Karapatang Pantao (CHR) hinggil sa mga programang maaaring gawin kaugnay sa R.A. 11106, The Filipino Sign Language Act.
Kasáma sa púlong ni Tagapangulong Arthur P. Casanova ang mga opisyal ng Komisyon sa Karapatang Pantao na sina Chairperson Richard P. Palpal-Latoc at Asec Atty. Amifaith Reyes, Commissioner of the focal area for Persons with Disabilities.
Inilatag ng KWF ang sumusunod ngunit hindi limitado sa proyekto, polisiya, at International Day of Sign Languages ng ahensiya hinggil sa FSL.
Kasama sa mga paksang napag-usapan sa púlong ay ang pagkakaroon ng plantilla position para sa mga FSL interpreter sa darating na panahon/ at mga hámon sa usapin ng Civil Service Exam para sa mga FSL interpreter partikular ang language barrier. Ang usapin ng language barrier ng mga bingi sa Civil Service Exam ay idudulog ng KWF sa CSC upang mabigyan ng patas na pagkakataon ang mga bingi.
Dumalo rin sina Lourdes Zorilla-Hinampas, Punò ng KWF Sangay ng Lingguwistika at Aplikadong Lingguwistika (SLAL), Earvin Pelagio, Focal Person ng KWF Yunit ng FSL, Aimee Bechaida, Executive Assistant (EA) ng Tagapangulo, at Lovely Batta, Administrative Assistant (AA) sa opisina ng Tagapangulo ng KWF.
Ang RA 11106 ay nagtakda sa KWF bilang tanggapang magsasagawa, mag-uugnay, at magtataguyod ng Filipino Sign Language (FSL) bilang pambansa at opisyal na wikang senyas.#