Pekeng propeta, protektor ng POGO, may utang na dugo, ibinulsa ang pondo ng pandemya at pumapalakpak sa pagbira ng China sa mga Pinoy sa West Philippine Sea.
Ganito inilarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga katunggaling kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa kanyang talumpati sa proclamation rally ng administration senatorial slate sa Centennial Arena sa Laoag City kahapon.
Sa unang salvo pa lang ng kampanya, maaanghang na ang birada ni Marcos Jr., na obvious naman ay nakatuon sa mga kandidato na ine-endorso ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte .
Walang kaduda-duda na ang mga manok ni Digong na gaya nina si Apollo Quiboloy, Bong Go, Bato dela Rosa, ang pinatamaan ni Marcos Jr.
Kung tutuusin, nangyayari pa rin naman ngayon ang mga inilitanya ni Marcos Jr. na mga kasalanan sa bayan ni Digong.
Sinabi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na ang pagtuligsa ni Marcos Jr. sa mga Duterte ay desperadong hangarin na ibalik ang kanyang nasirang kredibilidad dahil siya mismong Pangulo ay ipinagpapatuloy ang hindi pagparusa sa mga nagaganap na krimen.
Paliwanag ng Bayan, ang Tokhang ay pinalitan ng pangalan na Bida ngunit nagaganap pa rin ang mga pagpatay na may kinalaman sa droga.
Habang ang kapabayaan ng gobyerno sa kalusugan ng publiko sa panahon ng pandemya ay makikita pa rin sa mga pagbawas sa badyet na ipinataw sa sektor ng kalusugan.
Tamang-tama ang sinabi ni Marcos na si Duterte ay isang papet ng China at ginawa niyang sugalan ng mga dayuhan ang bansa.
Ang parehong taksil na patakarang panlabas ay pinagtibay ng kanyang gobyerno na nagbigay-daan sa US na palawakin ang presensyang militar nito sa bansa habang ang kanyang Maharlika Fund ay humihikayat sa mga dayuhan na dambongin ang patrimonya ng bansa.
Kung si Duterte ay isang epitome ng masamang pamamahala, si Marcos ay nagkasala sa pagpapagana ng impunity sa pamamagitan ng pakikiayon at pagsuporta sa mga Duterte noong 2022 elections.
Naging kritikal si Marcos laban sa mga Duterte pagkatapos lamang bumagsak ang tinatawag na ‘uniteam’ government.
Ang katotohanan ay ang parehong angkan ay dapat managot sa kanilang katiwalian, pang-aabuso sa karapatang pantao, at pagiging papet sa mga dayuhang kapangyarihan.
Binigyang-diin ni Marcos ang mga krimen ng pagkapangulo ni Duterte sa hangaring ibalangkas ang salaysay sa pagsisimula ng kampanya sa halalan.
Kung ang Bayan ang tatanungin, habang hinahabol natin ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at ang pag-uusig ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Duterte, pantay-pantay din tayong dapat naghahangad ng pananagutan para sa patuloy na krisis, kriminalidad, katiwalian, pagkapapet, at kawalan ng parusa sa ilalim ng pagkapangulo ni Marcos Jr.
Ang panahon ng halalan ay hindi dapat makagambala sa atin mula sa pagkondena sa kabiguan ng gobyernong Marcos na ibaba ang mga presyo ng mga bilihin, at iangat ang kalagayan ng mga mahihirap.
Sinusulsulan ni Marcos ang kanyang mga tagasuporta sa pamamagitan ng pagkondena sa mga Duterte kahit na ang parehong mga pamimintas ay maaaring gamitin upang ilarawan din ang kanyang pamumuno.
Kaya’t ang halalan sa Mayo ang pinaka-angkop na panahon upang ibasura ang mga kandidatong pansariling interes at pangangalaga lamang sa binuo nilang political dynasty cartel ang layunin.
May mga makabayang kandidato na mas karapat-dapat na iluklok sa Senado at Kongreso, sila ang mga tunay na titindig at ipaglalaban ang mga lehitimo nating karapatan.
Taumbayan sa Senado!