MUKHANG nalusutan ang isang matinik na babae sa Palasyo ng pinagkakatiwalaan niya ng mga sensitibong impormasyon.
“Ha? May lahing tuklaw ang trusted ni Madame?” usisa ng batikang miyembro ng Las Chismosa na tambay sa Arlegui.
Lingid sa kaalaman ni Madame, ang binigyan niya ng mataas na posisyon sa Palasyo para sana makatulong sa Bossing ng Bayan Mo ay kinakagat pala siya nang palihim.
“Dinala raw ng Palace official na may alyas “Boy Riles” ang isang babae na mortal na kaaway ni Madame na itago natin sa alyas na Ms. Oda,” sabat ng miron sa Arlegui.
Dati raw tauhan ng Bossing ng Bayan Mo si Ms. Oda noong mambabatas pa siya pero nawalang bigla sa kanyang bakuran.
Ang siste raw, may kumalat na dossier o white paper laban sa Bossing ng Bayan Mo noong solon pa siya pero si Ms. Oda ay sadyang hindi ipinabatid ito kay Madame.
Direkta raw in-email ni Ms. Oda sa Bossing ng Bayan Mo ang white paper at ‘binulag’ si Madame sa isyu.
Natural na umusok ang ilong ni Madame sa galit kay Ms. Oda at nang komprontahin niya, sa halip na humingi ng paumanhin ay sinagot-sagot siya ng pabalang.
Napilitan si Ms. Oda na mag-resign para unahan ang palakol na nakaamba sa kanyang ulo dahil sa kanyang kabastusan.
Hindi natahimik si Ms. Oda, kahit saan at maging sa social media ay ginawa niyang pulutan si Madame at ang Bossing ng Bayan Mo, lalo na noong 2022 elections na siya ay nasa kabilang bakod.
Alam daw ni Boy Riles ang history ni Ms. Oda at ni Madame pero dinala pa rin niya ng palihim sa Palasyo para maging bahagi ng kanyang tanggapan.
“Gusto pa sana ni Boy Riles na gawing ‘undersecretary’ si Ms. Oda pero nabisto raw ang ‘kulay’ nito nang kaliskisan ng mga taga-Arlegui,’ dagdag na kuwento ng bunso ng Las Chismosas.
Pero sa hindi malamang dahilan ay kinuha pa rin ni Boy Riles si Ms. Oda sa katuwirang, hindi naman siya makikita ni Madame dahil hindi naman siya humaharap sa mga pulong at hindi rin pinalulutang kapag may mga event ang Bossing ng Bayan Mo.
Considering na malaki ang atraso ni Ms. Oda kay Madame, may mga kinakabahan sa magiging senaryo kapag nagkita sila.
CLUE:
Kasama si Ms. Oda sa itinalaga ni Boy Riles na maging kahanay ng mga punong abala sa gaganaping 2026 ASEAN Summit sa Pilipinas.
Dating napag-initan si Boy Riles ng isang mambabatas dahil hindi nasagot ang isang simpleng tanong sa budget hearing.
Mahilig siya sa out-of-town meeting at sa susunod na tatlong araw ay matatanaw ni Boy Riles ang Bulkang Taal mula sa kanyang kinaroronan.
‘Yun na!