📷: Alliance of Concerned Teachers -Philippines | FB
Disente at nakabubuhay na sahod para sa guro, kawani at manggagawang Pilipino!
Makabayan sa Senado at tunay na tinig ng guro at bayan sa Kongreso, ipanalo!
Ngayong Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Paggawa, kaisa ang mga guro at kawani sa sektor ng edukasyon sa malakas na panawagan ng malawak na hanay ng mga manggagawa para sa disente at nakabubuhay na sahod.
Sa kasalukuyan, mayorya ng manggagawang Pilipino ang pinagkakaitan ng estado ng batayang karapatan para sa nakabubuhay na sahod.
Walang bago sa ‘Bagong Pilipinas’ ng administrasyong Marcos Jr. dahil sa buong bansa, napakalayo ng agwat ng kasalukuyang arawang sahod ng mga manggagawa na pumapalo lamang sa P470 at ng nakabubuhay na sahod para sa isang pamilya na dapat ay tumutuntong sa mahigit P1,200.
Sa sektor ng edukasyon, siyam sa bawat sampung gurong pampubliko ang tumatanggap ng sweldong hindi umaabot sa nakabubuhay na antas, habang higit na mababa pa ang sinasahod ng mga kawaning publiko at guro sa pribadong sektor.
Ang tanging tugon ng gobyerno sa malaon nang panawagang makabuluhang dagdag sahod ay barya, barat at mumong umento sa publiko man o pribado.
Patuloy ang kamanhiran ng estado sa lumalalang krisis pang-ekonomiya na karaniwang guro, kawani at manggagawa ang pangunahing tinatamaan.
Walang ampat ang pagtaas ng presyo ng bilihin, walang patid ang pagtaas ng singil sa tubig, kuryente at pasahe, kapos ang serbisyong panlipunan, at bagsak ang kalidad ng edukasyon dahil sa matinding kapabayaan at misprayoridad ng gobyerno.
Nakalaan ang malaking bahagdan ng pondo sa impraktrastura, pork barrel, utang panlabas, confidential at intelligence funds, militarisasyon at imperyalistang gyera habang malaki ang kakapusan sa badyet para sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan.
Laganap ang korapsyon habang hikahos ang mga guro, kawani at manggagawa kaya’t napipilitang hatiin ang katawan, pigain ang lakas-paggawa, at mabaon sa utang maitawid lamang ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Nagpapatuloy ang kawalang pananagutan sa hanay ng matataas na opisyal ng bansa sa paglulustay ng kaban ng bayan habang patuloy na humaharap sa pagsasamantala at pandarahas ng estado at ng naghaharing-uri ang mga manggagawang Pilipino na tumitindig para sa nakabubuhay na sahod, makataong kalagayan sa paggawa, at mga demokratikong karapatan.
Ang pagkilos ng sektor ng edukasyon, kasama ang malawak na hanay ng mga manggagawa, ngayong araw ay mariing paniningil sa nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagang administrasyon sa umaalingawngaw na panawagan at malinaw na kalagayang kinasasadlakan ng mamamayan.
Bitbit ng mga guro at kawani ang pitong puntong adyenda ng sektor ng edukasyon na nagsisilbing hamon sa mga kumakandidato ngayong 2025 midterm elections at batayan na rin sa pipiliing mamumuno sa bansa at kakatawan sa sektor at mamamayan sa mga susunod na taon.
Itinataya rin ng mga guro at ng sektor ng edukasyon ang aming boto sa mga kandidatong bitbit ang aming adyenda, may malinaw na tindig hindi lamang sa edukasyon kundi sa mahahalagang isyung panlipunan, at may malinis na track record at hangarin para sa bansa at mamamayan.
Kaya’t kaisa ang mga guro at kawani sa panawagang P1,200 family living wage nationwide.
Pangunahing kahingian naman ng sektor ang P50,000 entry-level pay para sa mga guro, P33,000 para sa kawaning SG1, SG16 para sa Instructor 1 sa state universities and colleges, at sahod sa pribadong nakapantay sa publiko. Kakabit din ng mga ito ang panawagan para sa karampatang benepisyo gaya ng PBB 2023, at pagkilala at paggalang sa karapatang mag-organisa, mag-unyon at kalayaan sa pagpapahayag.
Ipinaabot din ng mga gurong Pilipino ang pagpupugay at mahigpit na pakikiisa sa mga manggagawa, unyon at mga organisasyon sa iba’t ibang panig ng daigdig na ipinagdiriwang ang araw na ito at nagkakasa ng mga pagkilos para sa disente at nakabubuhay na sahod, makataong kalagayan sa paggawa, at demokratikong mga kalayaan at karapatan.
Buong lakas at paninindigang susulong ang kilusang guro, at makikipag-kapitbisig sa hukbong mapagpalaya tungo sa makatarungan at malayang lipunan at sandaigdigan.
Ang guro at bayan, ngayon ay lumalaban!
Edukasyon, karapatan ng mamamayan!
Sahod, trabaho, edukasyon, karapatan at kasarinlan, ipaglaban!
Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!