ISINIWALAT ni Board of Special Inquiry Chief Atty. Gilbert Repizo ang kalakaran sa tanggapan ng tourist visa section sa Bureau of Immigration na animo’y isang restawran na may “price menu.”
Ibinuhos ni Repizo ang kanyang pagkadismaya sa paskil sa Facebook patungkol sa acting chief ng visa extension office.
“TVS: Can you please moderate your greed? Even a little bit please,” bungad na mensahe ni Repizo.
Napag-alaman na si Raymond Remigio ang acting chief ng Tourist Visa Section (TVS).
Inilahad ni Repizo na noong nakaraang Huwebes ay nag-endorso siya sa nasabing tanggapan upang tulungan ang isang lalaki na hindi nakapag-extend ng visa dahil sa nakabinbing kaso.
Nabasura aniya ang kaso nito kaya humingi ng update ngunit ibinalik ang pasaporte ng lalaki dahil wala umanong P50,000 service fee.
Nagulantang si Repizo na may kalakip pang “price menu” para sa visa extension ang isinauling pasaporte.
“If you don’t pay, you pass through the normal flow. If you comply with their PRICE MENU, mabilis,” sabi ni Repizo.
“Only when i raised my voice and called the attention of some personalities that they finished it very fast, “they are happy to assist”. Tell that to the Marines!” dagdag niya.
Para kay Repizo, ginawang linta ang naturang na sumisipsip ng dugo ng mga liaison officer at/o ng mga law office na gustong kumita sa lehitimong paraan.
Bunga aniya ng nasabing korapsyon ay perwisyo sa mga nakansela ang tiket sa eroplano na hindi pinapahalagahan na i-refund.
May mga insidente rin aniya na nahimatay sa pila ang mga naghihintay nang matagal para sa kanilang mga papeles at nawawala rin ang ilang pasaporte.
Giit ni Repizo, nakasisira sa industriya ng turismo ng bansa ang katiwalian sa visa extension at ang matitinong kawani ng kawanihan ay nadadamay.
“The issue of overstaying is already a legal issue that must be resolved by the Legal Division. it cannot be determined by the parameters of your PRICE MENU,” sabi niya.
“I post this NOT to destroy the image of my agency, but to generate immediate self-correcting mechanism.” (ZIA LUNA)