NANAWAGAN ang overseas Filipino workers (OFWs) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na imbestigahan at panagutin si Arnel Ignacio at kanyang mga kasabwat sa umano’y kinasasangkutang pandarambong ng P1.4-B pera ng OFWs.
“Ang pondo ng OWWA ay para sa serbisyo at proteksyon, hindi sa korupsyon. Dapat na mabilis na imbestigahan ng administrasyong Marcos si dating OWWA Administrator Arnel Ignacio sa kinasasangkutang pandarambong sa pera ng OFWs.,” sabi ng UNIFIL Migrante Hong Kong sa isang kalatas.
“Dapat maglabas ng full audit ang OWWA at ipakita kung saan napupunta ang pondo para sa mga OFWs. Dapat maparusahan at makulong ang lahat ng sangkot dito.,” dagdag nila.
“Galing mismo kay DMW Secretary Hansa Cacdac na ginamit ni Ignacio ang #OWWA Fund sa pagbili ng P1.4 billion na halaga ng lupa ng walang pahintulot. Mismong empleyado ng OWWA ang nagpadala ng sulat sa Pangulong Marcos Jr hinggil sa reklamong ito,” giit ng grupo.
Hindi lang minsan anila ginawa ni Ignacio ang kawalan ng konsultasyon at paglalabas ng pera ng OWWA Overseas Workers Welfare Administration, gaya ng pag-upa sa isang buong palapag ng limang taon para gawing OFW Global Center sa HK, kung saan gumastos ang gobyerno ng mahigit sa HK$6M sa renta.
“Samantalang pahirapan ang pagbibigay ng direct assistance sa mga may problema kagaya ng mga OFWs sa mga bansang may gera at stranded sa Pilipinas,” wika ng grupo.
Hindi nakakalimutan ng grupo kung paanong minaliit ni Ignacio ang mga kahirapang dinaranas ng OFWs sa Hong Kong.
“Hindi natin nakakalimutan na mas mahalaga ang ‘entertainment’ kay Ignacio kaysa direktang serbisyo sa mga OFWs. Hindi natin nakakalimutan kung paanong sisihin ni Ignacio ang mga OFWs na nalalagay sa peligro at isinusumbat ang tulong na nakukuha mula sa gobyerno. Gayong sangkot pala ito sa napakalaking anomalya,” wika nila
“Magsilbing warning din ito sa iba pang mga opisyal ng OWWA at ng DMW na hindi nagseserbisyo nang tama at pansariling interes lamang ang inuuna,” pagtatapos ng grupo. (ROSE NOVENARIO)