Fri. Aug 7th, 2026

“Ito ang hirap sa mga taong hindi sanay na pinapanagot sa mga kasalanan sa bayan tulad nina Sen. Marcos at VP Duterte. Akala nila na kahit magnakaw sila at ang kanilang pamilya ng bilyon-bilyon ay ok lang ito basta magpakalat lang sila ng fake news at disinformation para linlangin ang mga tao.”

Buwelta ito ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro sa deklarasyon ni Sen. Imee Marcos na nabigo ang balak na pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment.

Ipinunto nina Castro at ACT Teachers Partylist Rep. – elect Antonio Tinio ng kahalagahan ng pananagutan at hustisya sa isyu ng mga alegasyon ng pagwawaldas sa kaban ng bayan.

Giit ni Tinio ang asal na pagbabalewala sa pananagutan ay nagtatakda ng isang mapanganib na pamarisan para sa mga opisyal ng gobyerno.

“Paano na ang katarungan at accountability sa mamamayan kapag ganito ang mga namumuno? Limpak-limpak na pera ang di mapaliwanag saan ginastos at kung ano ang ginawa, tapos ok lang sa kanila,” ani Tinio.

Binigyang-diin ng mga mambabatas ang pangangailangang ituloy ang proseso ng impeachment upang matiyak na mananagot si Bise Presidente Duterte sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

Nagbabala sila na ang pagkabigong kumilos nang desidido ay magpapalakas ng loob ng ibang mga politiko na gumawa ng katulad na masamang pag-uugali.

“Kaya dapat na talagang masimulan na ng maayos ang impeachment at mapanagot si VP Duterte. Kung hindi, uulitin lang niya iyan at mas malaking halaga pa ang mawawala. Gagayahin din siya ng iba pang pulitiko,” wika ni Castro.

Ang pahayag ni Sen. Imee na “talo” na ang impeachment kay VP Sara ay pagtatangkang maliitin ang mabibigat na alegasyon at ilihis ang atensyon ng publiko, anang mga mambabatas.

“Ang pagsasabing ‘talo na ang impeachment’ ay malinaw na pamamaraan ng pagpapalaganap ng kawalang pananagutan. Hindi dapat hinahayaan ang ganitong mindset sa pamahalaan,”  ayon kay Tinio.

Nangako ang mga kinatawan ng ACT Teachers na ipagpatuloy ang kanilang paghahangad ng pananagutan at katarungan, at ang mga opisyal ng pamahalaan ay dapat managot sa mga mamamayan para sa anumang maling paggamit ng pampublikong pondo. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *