: Bagong Alyansang Makabayan | FB
HIMIG sarskastiko ang tugon ni Senate President Chiz Escudero sa pagbatikos sa pag-urong niya ng petsa ng pagtalakay ng Senado sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
“Magandang tanungin yun sa kanila, ano bang nawala sa kanila? Ano bang naidagdag sa kampo ni Vice President Sara? Ano bang nawala sa kampo ni Vice President Sara? Ano bang nadagdag sa kanila sa pagtulak ng petsa sa June 11. May nakalamang ba dahil doon na panig? Pakipaliwanag kasi sa palagay ko, sa tingin ko eh wala naman,” reaksyon ni Escudero sa pagkondena ng impeachment complainants.
Hindi natinag si Escudero sa bantang maglulunsad ng sunud-sunod na kilos-protesta ang impeachment complainants bagkus ay sinumbatan pa niya na naunang “nagpabandying-bandying “ang mga ito na inupuan ang impeachment complaint sa Mababang Kapulungan.
“Karapatan nila yun pero kung pwede ko lang sana balik-tanawan, pwede bang i-rally ko rin sila ng apat na buwang hindi nila inaksyunan ung impeachmeant complaint na inihain nung Disyembre?” ani Escudero.
“Kung sila mismo hindi nagmadali. Inupuan at pabandying-bandying sa mahabang panahon, sino naman sila para madaliin kami ngayon. Hindi porket gusto nila eh ganun na at nung ayaw naman nila eh karapatan din nilang magpa bandying-bandying at idelay yun,” dagdag niya.
Iginiit niya na ginagawa ng mga senador ang kanilang trabaho at walang epekto sa kanya ang Bintang na takot siya kay VP Sara.
Nanindigan siya na idadaan sa botohan kung iko-convene ang Senado bilang impeachment court kahit mandato nila ito sa Konstitusyon.
“Lahat ng ginagawa ng Senado dumaraan sa botohan, ung simpleng tanong ng presiding officer is there any objection? Hindi ibig sabihin nun walang botohan yun. Ibig sabihin nun unanimous ung boto para gawin un. Lahat ng gagawin namin, bawat aksyon, palaging is there any objection hinid ba? So all of those are subject to a vote by plenary,” paliwanag niya.
Kung mananaig ba ang pasya ng Senado sa nakasaad sa Saligang Batas, sagot ni Escudero,” Hindi. Pero depende na iyon sa basa ninuman ng saligang Batas kaya nga may Korte Suprema para magsabi tama ang ginawa nyo, mali ang ginawa nyo, depende sa pananaw ng sinumang nais maghain ng kaso laban sa kung sinumang opisyal o opisina ng pamahalaan.” (ROSE NOVENARIO)