MAY bahid ba ng katotohanan ang naging pahayag kamakailan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na malawak ang koneksyon ng mga itinuturong sangkot sa pagkawala ng mga sabungero mula 2021 hanggang 2022?
Ipinaskil sa Facebook page ng City Civil Registry Office-Manila noong Pebrero 24, 2020 ang mga larawan ng civil wedding nina Joseph Lumbad at Geleen Galvez na pinangunahan ni Mayor Isko Moreno noong Pebrero 19, 2020 sa Manila City Hall.
Si Lumbad ay nagtrabaho bilang audio man ng ABS-CBN at TV5 bago umano’y napunta sa kompanya ng negosyanteng si Atong Ang at sa kasalukuyan ay nasa bakuran na umano ng negosyanteng si Art Atayde, dati umanong kasosyo ni Ang.
Natalo si Lumbad sa katatapos na 2025 midterm elections sa pagka-kongresista sa unang distrito ng Maynila pero ang kanyang misis na si Galvez ay nagwagi muli bilang konsehal sa ikatlong distrito ng Quezon City.
Kasama sa mga naging saksi sa civil wedding ng mag-asawang Lumbad ay sina Eric dela Rosa, Sen. Erwin Tulfo, Atayde, Ang at Gretchen Barretto.
Sina dela Rosa, Ang at Barretto ay ikinanta ni Julie ‘Dondon” Patidongan, dating security chief ng mga sabungan at farm ni Ang, bilang mga umano’y utak sa pagkawala ng 34 sabungero.
Matatandaan na noong 2019 ay naging kontrobersyal ang ipinatayong sabungan ni Ang sa lugar na sakop ng heritage area ng Sta. Ana, Manila kaya’t pumalag ang mga residente.
Natahimik umano ang ang protesta ng mga taga-Sta. Ana noon, nang tiyakin ng kamag-anak ni Atong Ang na hindi cockpit arena ang kanilang itatayo, kundi isang pribadong sports stadium and recreation center.
Batay sa ulat, noong Enero 13, 2022 ay anim na sabungero mula Tanay, Rizal ang huling nakita sa Manila Arena sa Sta. Ana, Maynila. Pinilit silang sumakay sa isang gray van at hindi na muling nakita.
Matatandaan rin na sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa pamumuno ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, noong Pebrero 2022 sa isyu ng missing sabungeros ay ibinunyag ni Barretto na umano’y nagtatalpak o kasama rin sa player ng online sabong ang senador.
Kinuwestiyon pa ng aktres ang pagsusuot ng mamahaling relo ni Dela Rosa at pati ang umano’y utang ng senador sa isang Kate Villalon.
Hindi naglabas ng ebidensya ang aktres para patunayan ang akusasyon laban kay Dela Rosa hanggang ipatigil ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng e-sabong, ilang linggo bago siya bumaba sa puwesto noong Mayo 2022. (ROSE NOVENARIO)