Tue. Jun 9th, 2026

NANAWAGAN ang isa sa mga akusado at ikinokonsiderang maging witness sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa aktres na si Gretchen Barretto na makipagtulungan sa kanya upang isiwalat ang mga nalalaman hinggil sa kaso.

Inihayag ito ni Julie “Dondon” Patidongan sa panayam sa GMA-7 matapos ibulgar na ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ang mastermind umano sa pagdukot at pagpatay sa 34 missing sabungeros at batid ito ni Barretto bilang laging kasama ni Ang.

“100% na may kinalaman siya gawa na lagi silang magkasama ni Mr. Atong Ang. Ang panawagan ko lang, makipagtulungan na lang siya sa akin,” ayon kay Patidongan, dating security chief ng mga sabungan at farm ni Ang.

Sinabi niya kasabwat umano ni Ang  bilang utak ng krimen ay sina Eric dela Rosa at Engineer Celso Salazar.

“Mr. Charlie Atong Ang and then Eric Dela Rosa, Engineer Celso Salazar, sila ang mastermind sa mga nawawalang sabungero,” aniya.

Si Dela Rosa aniya ang nag-monitor ng mga dayaan sa sabong at iniulat ang mga nabisto niya kay Ang  at tinalakay kay Salazar.

“Then itawag sa akin na i-hold yung mga taong nagti-tiyope,” sabi ni Patidongan.

“Si Mr. Atong Ang…siya ang pinaka-mastermind at siya naguutos na talagang iligpit ng mga ‘yan,” dagdag niya.

Ipinamahala umano sa mga pulis kung ano ang gagawin sa mga nandayang sabungero.

Naniniwala si Patidongan na hindi kayang aregluhin ni Ang si Philippine National Police chief General Nicolas Torre III kaya nagpasya siyang lumutang.

“Lumutang ako dahil alam ko ang pinagkatiwalaan kong tao, na ang ating PNP chief na si General Torre, alam kong hindi niya kayang bayaran ng pera ‘yan,” sabi niya.

“Sa totoo lang, wala akong kinalaman diyan. Isa lang akong utusan niya na bilang farm manager.”

Kaugnay nito, hindi nababagabag si Patidongan sa banta ng kampo ni Ang na sasampahan siya ng kaso dahil sa tangkang extortion ng P300-M kapalit ng pagbaligtad.

“Parang kinasuhan niya na rin yung sarili niya….Siya naman nag-uutos ng lahat,” he said. “Katulad ng sinabi niya na nag-extortion daw ako ng P300 million. Para alam ng lahat, hindi ko kayang tanggapin ang pera niya.”

“Tsaka Mr. Atong Ang, sabi na nga matatanda, wag ka na magtago sa palda ng nanay mo. Binigyan mo ako ng papel para pirmahan ko, yung recantation ba ‘yun, ibinigay mo sa akin kapalit ng pera. Sabi ko, hindi ko kayang tanggapin ‘yan dahil buhay ko at buhay ng pamilya ang nakataya dito,” sabi ni Patidongan.

Hinimok din niya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na utusan ang mga awtoridad na lutasin ang kaso para sa kapakanan ng mga pamilya ng mga biktima.

Wala pang pahayag ang kampo ni Barretto sa isiniwalat ni Patidongan. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *