Tue. Jun 9th, 2026

Lumabas sa 2023 National Nutrition Survey ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na dalawa sa bawat sampung Pilipinong nasa edad 20 hanggang 59 anyos ay prediabetic.

Ayon sa pag-aaral, mas mataas ang kaso ng prediabetes o impaired fasting blood glucose (FBG) sa mga kalalakihan kumpara sa kababaihan. Itinuturing na prediabetic ang isang indibidwal kung ang kaniyang FBG level ay nasa pagitan ng 102 hanggang 125 milligrams kada deciliter; anumang mas mataas pa rito ay itinuturing nang diabetic.

Napag-alaman ding mas laganap ang prediabetes sa mga naninirahan sa lungsod (8.8%) kaysa sa mga nasa kanayunan (6.4%).

Babala ng mga eksperto, kung hindi maagapan, maaaring humantong ito sa diabetes—isang malubhang kondisyon kung saan nahihirapan ang katawan na i-regulate ang asukal sa dugo. Kabilang sa mga sintomas ng diabetes ang matinding pagkapagod, hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang, labis na pagkauhaw, madalas na pag-ihi at pagkain, mabagal na paggaling ng sugat, at malabong paningin.

Ayon kay Ma. Stephanie Parani, senior science research specialist ng FNRI, malaki ang kinalaman ng lifestyle sa pagkakaroon ng prediabetes.

“Kung mahilig tayong kumain ng matatamis, mainam na ipasuri natin ang ating FBG levels,” ani Parani.

Dagdag pa niya, ang kawalan ng regular na ehersisyo ay maaaring magdulot ng obesity, na nagdudulot din ng mataas na FBG. Patuloy ang panawagan ng mga eksperto sa mga sedentary o walang gaanong aktibidad na magkaroon ng kahit 30 minutong ehersisyo araw-araw.

Binanggit din ni Parani na para sa ilang kaso ng prediabetes, may kinalaman din ang family history.

“Kung may lahi kayo ng diabetes, mas mabuting magpasuri ng FBG para maagapan at malaman kung anong mga hakbang ang pwedeng gawin,”aniya.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumangatlo sa mga pangunahing sanhi ng kamatayan sa bansa ang diabetes noong 2024.

Bagaman mas mababa ang bilang kumpara noong 2023, iginiit ng mga eksperto na seryosong kondisyon pa rin ito dahil maaari itong magdulot ng iba pang non-communicable diseases tulad ng cardiovascular diseases.

“Pwede itong mauwi sa iba pang sakit gaya ng altapresyon at mataas na cholesterol, kaya kadalasang sinasabayang suriin ang mga may impaired FBG,” paliwanag ni Parani.#

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *