USO ba ang delicadeza sa Presidential Communications Office?
Nagawa pang magtalaga ng “midnight appointee” ang isang mataas na opisyal ng Presidential Communications Office bago siya sinibak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ikinagulat ng ilang kawani ng kagawaran.
Dalawang oras bago inanunsyo ni Palace Press Officer Claire Castro noong Huwebes, Hulyo 10, na ang bagong PCO Secretary ay si Dave Gomez, ay naglabas pa ng special order ang kanyang pinalitan na si Jay Ruiz.
Batay sa Special Order No. 25-158 na nilagdaan ni Ruiz at inilabas dakong alas-9:48 ng umaga noong Hulyo 10, itinalaga niya si Assistant Secretary for Cultural Affairs and International Engagements Rowena Hidalgo Otida bilang concurrent Assistant Secretary for Media Affairs and Relations “effective immediately”.
Inalis niya sa superbisyon ni Undersecretary Michael Ubac ang Office of the Assistant Secretary for Media Affairs and Relations at ibinalik sa pangangasiwa ng Office of the Secretary.
“All administrative and operational matters related to media accreditation and relations shall henceforth be under the supervision of Assistant Secretary Otida and the Office of the Secretary.”
Napag-alaman na pinalitan ni Otida si Asst. Secretary Errel Cabatbat na iniimbestigahan sa pagkakasangkot sa isyu na umano’y nagpakilala bilang abogado sa isang politiko sa Mindanao na kanyang ipina-interview sa reporter ng PTV-4 sa isang five-star hotel sa Maynila.
Si Cabatbat din ang lumagda sa liham sa NET25 na humiling na tanggalin bilang Malacanang beat reporter si Eden Santos.
Si Ruiz lamang ang nakakaalam kung bakit siya nagmadali na ipuwesto si Otida sa halip na bigyan ng respeto si Gomez na magdesisyon kung sino ang ipapalit kay Cabatbat.
Nabatid sa source sa PCO, na si Ubac ay “pinagkaisahan” umano ng ilang kawani matapos niyang italaga ang responsibilidad kay Director Perla Leoncio na humawak ng pondo o cash advance para sa presidential events.
Hindi naman masisisi si Ubac kung bakit niya ginawa ito.
Ilang beses naging isyu ang “unliquidated” o kaya’y matagal mag-liquidate ang mga dating nakakahawak ng nasabing budget na mga empleyado ng PCO.
Kaya upang maiwasan ito’y isang opisyal na lamang ang mananagot sa paggasta ng pondo,pero hindi ito nagustuhan ng ilang empleyado.
May “bilyonaryo” pa raw na ipinapanakot ang isang kawani na may “unlimited term” sa PCO.
May ilan na nga ang yumaman sa kanila sa tulong ng kanilang mga naging amo na pinataba rin nila ang mga bulsa sa husay nilang mag-magic ng mga resibo.
Kung maidaragdag nila si Gomez sa listahan ng mga opisyal na nabilog nila ang ulo, ito ang ating aabangan.