Tinukoy ni whistleblower Julie “Dondon” Patidongan (alias Totoy) ang isang heneral ng Philippine National Police (PNP) bilang mga umano’y sangkot sa kaso ng “missing sabungeros.”
Sa kanyang pagharap sa press briefing sa tanggapan ng National Police Commission (Napolcom) kasama si Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Vicente Calinisan, kinilala ni Patidongan si retired Police Lt. Gen. Jonnel Estomo sa isyu ng mga nawawalang sabungero.
Sinampahan ng kaso ni Patidongan, pati ng mga kapamilya ng mga nawawalang sabungero sa Napolcom ang 12 aktibong pulis bilang mga umano’y responsible sa pagdukot sa mga nawawalang sabungero.
Kaugnay nito, kinompirma ni PNP chief Police General Nicolas Torre III na may buto ng tao na nakuha sa mga sako na nasisid sa Taal Lake kaugnay sa paghahanap sa mga labi ng nawawalang mga sabungero
“Halo-halo ‘no kasi alam niyo naman may farm diyan sa lugar na ‘yan. May farm, ang Taal ay farming ‘yan. So andiyan na lahat ng makikita natin. May mga na-recover na mga animal remains. May human,” sabi ni Torre sa press briefing sa Camp Crame.
“Mix-mix na ang ating mga tinitingnan ngayon. Kaya kasama sa ating processing diyan ang mag-differentiate kung ito ba ay animal origin o human origin,” dagdag niya.
May limang sako na naglalaman ng hinihinalang mga buto ang narekober sa Taal Lake sa bahagi ng Laurel, Batangas sa tatlong araw na pagsisid ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Inilunsad ang pagsuyod sa lawa matapos isiwalat ni Patidongan na pinatay ang nawawalang mga sabungero at itinapon ang mga labi sa Taal Lake.
Isasailalim sa forensic examination ang mga nakuhang buto. At kung ito’y sa tao, ima-match sa DNA ng mga kaanak ng missing sabungeros. (ROSE NOVENARIO)