📷: Migrante International | FB
UMAPELA ng hustisya ang mga Pilipinong biktima ng human trafficking sa mga online scam hub sa Cambodia sa isang media forum na inorganisa ng grupong OFW na Migrante International nitong Sabado.
Mula pa noong Abril, unti-unting napauwi ng gobyerno ang mga biktima, ngunit kanilang ibinunyag ang sinapit na sapilitang paggawa, pagmamaltrato, at di-makatarungang pagkakakulong sa Cambodia.
Karamihan sa mga biktima ay naengganyo sa online na alok ng trabaho bilang call center agents sa abroad.
Ngunit matapos silang papuntahin ng mga trafficker sa Cambodia, dinala sila sa malalaking gusali sa hilagang bahagi ng bansa na may bantay at bakod, kung saan kasama nilang ikinulong ang iba pang dayuhang biktima.
Sa loob ng mga scam compound, pinilit ang mga Pilipino na mambiktima rin ng kapwa Pilipino online sa ilalim ng quota at banta ng pananakit.
Nang humingi ng tulong ang ilang biktima sa embahada ng Pilipinas sa Cambodia, nahuli sila ng mga trafficker at isinuko sa mga awtoridad ng Cambodia, na ikinulong sila sa masisikip at maruruming selda na kulang sa pagkain, tubig, at sanitasyon.
Mariing kinondena ng mga biktima ang mabagal na pagtugon ng gobyerno, kabilang ang pagkaantala sa pagbigay ng pagkain at gamot, gayundin sa prosesong pauwi sa Pilipinas.
“Wala bang kahihiyan ang gobyernong Marcos sa pagpapabaya nito sa mga biktima ng human trafficking? Napakabagal ng Philippine embassy sa pagbibigay ng pagkain, tubig, at iba pang essentials sa mga detinidong biktima. Mas mabagal pa sila sa pagproseso ng kanilang repatriation. Paano pa kaya ang ating kahilingan para sa hustisya,” ayon kay Josie Pingkihan, Deputy Secretary General ng Migrante International.
Sa nasabing forum, sinuportahan ng OFW advocates mula sa Migrante, Churches Witnessing With Migrants – Philippines, at dating kinatawang si Liza Maza ang mga biktima at pamilya nila. Si Maza ang pangunahing may-akda ng Anti-Trafficking in Persons Act.
Inilahad nila ang mga panawagan sa administrasyong Marcos:
– Agarang pagsagip sa mga Pilipinong nasa scam hubs
– Agarang paglilipat sa ligtas na tirahan ng mga nakakulong sa Cambodia
– Tulong pinansyal at pangkabuhayan sa mga napauwi
– At hustisya para sa lahat ng biktima ng human trafficking
“Dapat seryosohin ni Marcos Jr. ang isyung ito dahil parami nang parami ang mga kababayan nating naloloko at inaabuso sa mga scam hub sa Cambodia at buong Southeast Asia. Kailangang habulin ng gobyerno ang mga traffickers at ugatin ang kawalan ng trabaho sa Pinas bilang batayan kung bakit naloloko tayo sa alok ng trabaho sa ibang bansa. Hindi kami titigil hangga’t hindi makakamit ang hustisya para sa mga biktima ng human trafficking,” sabi ni Pingkihan.
Tiniyak ng Migrante at ng mga kasapi nitong organisasyon sa buong mundo na dadalhin nila ang mga panawagan ng mga biktima sa mga protesta sa nalalapit na State of the Nation Address ni Marcos sa July 28. (ZIA LUNA)