Mon. Jul 8th, 2024
Ibinahagi ni Sen. Risa Hontiveros sa pagdinig ng Senado ang larawan ni Apollo Quiboloy at ilan sa kanyang mga biktimang Ukrainian .

IDINETALYE ng tatlong babae, isang Pinay at dalawang Ukranian, sa pagdinig sa Senado kung paano sila ginahasa ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy habang sila’y pastoral ng sekta.

Hindi sumipot si Quiboloy sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros sa kabila ng dalawang imbitasyon na ipinadala sa kanya ng komite.

Naging spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Quiboloy at wanted sa US Federal Bureau of Investigation bunsod ng

mga kasong sex trafficking, fraud, coercion, at bulk cash smuggling.

Sa salaysay sa komite ni alias Amanda, isang Pinay, noong Disyembre 2012, siya at kanyang kapatid na babae ay ni-recruit ni Marlon Rosete para sumali sa isang choir na kakanta sa bahay ni Quiboloy sa Quezon City.

Si Rosete ay isa sa shareholders ng Sonshine Media Network International (SMNI), ang media arm ng KOJC.

Ayon kay Amada, muli silang naanyayahan ng kanyang kapatid noong Enero 2013 para magtanghal sa isang konsiyerto sa Davao City at makipagkita kay Quiboloy.

Isang babae na kasama ni Quiboloy, si Ingrid Canada, ang nag-recruit sa kanila para maging full-time members ng sekta, at pagkakalooban sila ng full scholarships sa Jose Maria College (JMC), allowance, free board and lodging, at membership sa choir ng sect leader.

Makalipas aniya ang ilang buwan ay na-promote sila ng kanyang kapatid bilang “close-in pastorals.”

Ikinuwento ni Amanda na noong Setyembre 2014, nang siya’y 17-anyos, ipinatawag siya ni Jackielyn Roy sa dining area ng KOJC bible school para utusan siyang magtungo sa kuwarto ni Quiboloy.

Sinabi sa kanya ni Roy na ang pagmamasahe kay Quiboloy ay bahagi ng tungkulin ng mga pastoral at isang espesyal na pribelehiyo raw ito dahil hindi lahat ay maaaring hawakan o makalapit sa “son of God.”

“Tanda ko pa, September 1, 2014, kasi kakatapos lang ng Tribute program ng KJC, tutulog na sana ako, pero sabi ng isang kasamang pastoral worker, magpunta daw ako sa dining area ng Bible School dahil pinapatawag daw ako ni Jackielyn Roy. Pagpunta ko, nandun nga si Ms. Roy, pero walang ibang tao sa dining area, madilim at tahimik na kasi dis-oras na ng gabi, tulog na yung ibang mga kasamahan namin. Kinausap ako ni Ms. Roy, ang sabi nya sa akin: Amanda, connection mo ito sa Amahan. Privilege na mapabilang sa Pastoral. I-sanctify mo ang sarili mo,” emosyonal na paglalahad ni Amanda

“Basta ibigay ko daw ang sarili ko. Maghanda daw ako, maligo, mag-toothbrush, sinabihan din ako mag blow dry ng buhok…Hangga’t walang sinasabi si Quiboloy na puwede na akong umalis, hindi ako dapat lumabas ng kuwarto,” sabi niya.

“Pinakita ni Jackielyn kung paano daw minamasahe si Quiboloy. Sabi nya, unahin ko daw sa paa, nakinig lang ako habang dine-demo nya. Tapos sabi na lang ni Jackielyn, hintayin ko na lang daw na sabihin ni Quiboloy kung anong sunod na gagawin. Sabi nya, hanggat walang sinasabi si Quiboloy na pwede na akong umalis, hindi ako dapat lumabas ng kwarto. Matapos siyang magbilin, lumabas na siya ng kwarto,” aniya.

“Gising na si Quiboloy nito, tapos sinabihan niya ako na umupo daw sa gitna ng kama. Sumunod lang ako sa instruction, umupo ako na naka-cross-legs, nung itutuloy ko na dapat ang pagmamasahe, tumayo sya at umupo sa harap ko. Sinimulan niyang tanggalin ang butones ng T-shirt ko, hanggang sa tuluyan nyang tinanggal ang buong t-shirt ko. Sabi nya, tumalikod daw ako, sumunod lang ako at doon, tinanggal niya ang aking bra. Pagkatapos, hinawakan niya ang balikat ko at hinila pahiga sa kama,” wika niya.

“Nung nakahiga na ako, pumaibabaw sa akin si Quiboloy. Tapos, kahit pareho pa kaming naka-pajama non, kinikiskis nya ang ari niya sa ari ko. Sinimulan niyang halikan ang leeg ko. Nanigas na ako nang husto. Gusto kong sumigaw ng tulong at tanungin kung ano ang ginagawa niya, pero naalala ko na bawal akong magtanong,” dagdag niya.

Nagpatuloy ang pang-aabusong sekswal sa kanya ni Quiboloy hanggang 2016 nang umalis na sila ng kanyang kapatid.

Ngunit hindi ibinigay ng sekta ang kanyang transcript of records dahil hindi naman umano niya natapos ang kanyang pag-aaral sa JMC, na pagmamay-ari ng KOJC.

Inilahad din ng dalawang babaeng Ukrainian, sina alias Sofia at Nina, ang kaparewhong naging karanasan nila kay Quiboloy at sa sekta.

Dalawampu’t isang taong gulang si Sofia,noong 2021 nang umanib sa KOJC, sabi niya: “At first our relationship [with Quiboloy] was very good, very warm, very friendly. I didn’t feel anything like oh, he likes me.”

“They transferred me in one room. I lived with ‘Jack Roy.’ She is pastoral and one of the closest, like she’s very close to pastor.”

Tinukoy niya si Roy bilang tulay ng mga pastoral kay Quiboloy at tinanong siya kung nakahanda siyang isakripisyo ang lahat sa Diyos, pati ang kanyang katawan.

“When he [Quiboloy] sees that there is no Ukrainian girls and I’m alone, he starts more and more to talk to me,” ani Sofia.

Tanong sa kanya ni Quiboloy : “[Do] you want to sacrifice, [do] you want to sacrifice everything? Even your body?”

Inilahad niya na inutusan siya ni Roy na magmasahe sa paa ni Quiboloy ngunit nang malaman ng lidel ng sekta na hindi siya tatalima, lumabas ito ng kanyang silid, hinila siya sa loob ng kuwarto.

“When he (Quiboloy) realized I’m not coming, he went out and pulled me in his room. I was scared. He said massage me, feet here,” ani Sofia.

“And suddenly he started to move my hands to put on his back, butt and he said massage here. After that little by little, he just turned to me and he removed my clothes. He just removed my clothes and have sex with me,” wika niya.

Habang si Nina na sumali sa KOJC noong 2012, ay inihayag na nagsimula ang sekswal na pang-aabuso sa kanya ni Quiboloy noong 2013.

Tulad ng sinabi ni Quiboloy sa ibang pastoral, tinanong rin siya ng lider ng sekta kung nakahanda siyang isakripisyo ang lahat, pati ang kanyang katawan.

Walong taon aniya ang dinanas niyang sekswal na pang-aabuso sa kamay ni Quiboloy hanggang lisanin niya ang KOJC noong 2021.

Inimbitahan sa susunod na pagdinig ng komite sina Roy at Quiboloy. (ROSE NOVENARIO/ NINO ACLAN)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *