MAGPAPASIKLABAN ng kani-kanilang puwersa sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa 28 Enero 2024.
Nabatid na tatapatan ni Duterte ng sariling pagtitipon sa Rizal Park sa Davao City na tinaguriang “Mahalin Natin Ang Pilipinas”, ang paglulunsad ng “Bagong Pilipinas” sa Quirino Grandstand sa Rizal Park sa Maynila ni Marcos Jr.
Napag-alaman na lahat umano ng ahensya ng pamahalaan ay inatasan na magpadala ng 1,000 tauhan sa Quirino Grandstand para sa Bagong Pilipinas at upang maengganyo silan dumalo ay may “handog” na matatanggap compensatory time off o time off with pay.
Ang pondo para sa libreng pagkain at t-shirts ay magmumula umano sa kani-kanilang ahensya pati ang gastos sa transportasyon.
Habang sa advisory naman mula sa kampo ni Duterte para sa lahat ng national, regional at provincial leaders ng dating pangulo ay inaanyayahan sila para sa Leaders Forum na gaganapin sa Grand Men Seng Hotel, Magallanes Street, Davao City na magsisimula ng alas-9 ng umaga sa 28 Enero.
Habang alas-sais ng gabi ay magdaraos ng isang Prayer Rally na pangungunahan ni Duterte.
Inaasahang sa naturang pagtitipon pormal na ilulunsad ni Duterte ang kilusan kontra sa Charter change (Cha-cha). (ROSE NOVENARIO)