📷: Nagdaos ng kilos-protesta ngayong araw, Hulyo 23, ang maliliit na mangingisda sa ilalim ng Pamalakaya Navotas sa harap ng Navotas City Hall upang igiit ang agarang pagpapatigil sa nagpapatuloy na Navotas Coastal Bay Reclamation Project. Tinukoy ng grupo ang 650-ektaryang reklamasyon ng lokal na pamahalaan at San Miguel Corporation bilang pangunahing salik sa lumalala at matagalang pagbaha sa lungsod. (PAMALAKAYA | FB)
NANAWAGAN si ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ng agarang kongresyonal na imbestigasyon kaugnay ng epekto ng mga reklamasyong proyekto sa lumalalang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-probinsya. Bunsod ito ng matinding baha na idinulot ng Bagyong Crising at habagat kamakailan, na kumitil ng buhay, nagpalikas sa libo-libong mamamayan, at nagdulot ng malaking pinsala sa agrikultura at ari-arian.
“Malinaw ang ugnayan sa pagitan ng malawakang reklamasyon at tumitinding peligro ng pagbaha—sinisira ng mga proyektong ito ang ating likas na depensa sa baybayin at ginagambala ang kalikasan,” ani Tinio.
“Daan-daang bilyon na ang ginugol sa mga flood control project, pero hanggang ngayo’y lumulubog pa rin sa baha ang mamamayan. Panahon na para tanungin: sino ang tunay na nakikinabang sa mga reklamasyon, at ano ang kabayaran ng mga karaniwang Pilipino?”
“Ang mga proyektong reklamasyon ay hindi lamang sumisira sa kalikasan, kundi direktang nagdudulot ng pagbaha na nagpapahirap sa mga maralita, guro, at estudyanteng araw-araw ang sakripisyo para makapasok sa eskwela at trabaho,” dagdag ni Tinio.
“Hindi dapat isantabi ang kapakanan ng nakararami para sa tubo ng iilan.”
Ayon sa grupong AGHAM – Advocates of Science and Technology for the People, winawasak ng reklamasyon ang likas na ecosystem na nagsilbing natural na panangga sa baha. Binigyang-diin din ni Tinio ang patuloy na pagbalewala sa 2008 Mandamus ng Korte Suprema para sa rehabilitasyon ng Manila Bay at ang banta sa kabuhayan ng libo-libong mangingisda at maralitang lungsod.
“Hindi natin dapat hayaan ang tuluyang pagkawasak ng baybayin at kabuhayan ng mga mangingisda at urban poor para lamang sa pagtatayo ng mga casino, mall, at condo na pabor sa mga dambuhalang negosyo at dayuhang kapitalista. Matagal nang huli ang imbestigasyong ito. Karapat-dapat na makuha ng taumbayan ang katotohanan at makabuluhang solusyon,” pagtatapos ni Tinio. (ROSE NOVENARIO)