ITATALAGA bilang mga bagong undersecretary ng Presidential Communications Office (PCO) ang dalawang dating mamamahayag na sina Ramon “Mon” Ilagan at Samuel “Porky” Porcalla.
Nabatid ito sa source kasunod ng direktiba ni acting PCO Secretary Dave Gomez na magsumite ng courtesy resignation ang lahat ng opisyal ng kagawaran mula undersecretary hanggang director.
Si Ilagan ay kasalukuyang Assistant Secretary at Spokesperson ng Department of Transportation (DOTr) at Executive Director ng Office of Transportation Cooperatives (OTC).
Nagsilbi rin siyang mayor ng Cainta, Rizal mula 2004 hanggang 2013 at naging tagapagsalit ni Vice President Jejomar Binay nang lumahok sa presidential elections noong 2016.
Bago pumasok sa politika, batikang reporter siya ng ABS-CBN at nagawaran bilang Reporter of the Year (1997) at Best Morning Show Host para sa mga programang Alas Singko Y Medya at Magandang Umaga, Pilipinas.
Nagturo rin siya sa ABS-CBN Center for Communication Arts.
Habang si Porcalla ay naging Media Affairs Relations Officer ni dating Sen. Nancy Binay.
Aktibo rin siya sa iba’t ibang information at advocacy campaigns gaya ng CPR-ReadyPH, na nagsusulong ng life-saving CPR at AED training sa buong bansa.
Kalahok din siya sa animal welfare advocacy at nanguna sa paghahatid ng pet food donations sa war-torn areas gaya ng Marawi City.
Kinilala si Porcalla sa pagtulong upang maantala ang euthanasia sa mga aso sa Quezon City pound upang magkaroon ng panahon ang animal welfare groups na sagipin at ampunin sila.
Naging editor si Porcalla ilang pahayagan at sa kasalukuyan ay kolumnista sa Pinoy Publiko online news website. (ROSE NOVENARIO)