Sat. Apr 4th, 2026

📷: Cardinal Pablo Virgilio David

 

“Walang halaga ang anumang buwis kung kapalit nito ay wasak na pamilya at kinabukasan.”

Sagot ito ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa isang matibay na tugon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) tungkol sa paggiit nila sa mariing pagtutol sa online gambling, tinawag itong “mapanirang bisyo” na kumikita mula sa kahinaan ng tao.

Sa liham na may petsang Hulyo 15, tumugon si CBCP President Cardinal Pablo Virgilio David ng Kalookan sa depensa ni PAGCOR Chairman Alejandro Tengco ukol sa legalisadong online gambling.

Bagamat nagpapasalamat sa pagbubukas ng dayalogo, binuwag ng obispo ang pangunahing argumento ng PAGCOR sa pagpapalawak ng digital na sugal.

Tinuligsa ng CBCP ang tinatawag na “paradigm shift” patungo sa digital platforms, binigyang-diin na ang sugal ay hindi isang batayang pangangailangan.

“Ang pagpapalawak ng akses sa sugal sa ilalim ng pagbago ng consumer habits ay lalong nagpapalala ng mga problemang panlipunan,” babala ng CBCP, kabilang na ang pagkawasak ng pamilya, pagkakautang, at adiksiyon.

Mariing pinuna ng CBCP ang konsepto ng “responsableng online gambling.”

Tinawag itong salungat sa moralidad at binigyang-diin ang butas sa sistema ng beripikasyon, pagsulpot ng offshore sites, at agresibong marketing sa kabataan gamit ang mga sikat na personalidad.

“Sa digital na mundo, walang bouncer sa pinto,” saad sa liham.

Kahit may inilahad na safeguards ang PAGCOR, binigyang-diin ng CBCP ang reyalidad: na nakakapasok pa rin ang mga menor de edad sa sugal gamit ang mga account ng pamilya o sa ilegal na platforms.

Wala na anilang pisikal na casino pero mismong tahanan ay nagiging lugar ng sugal, palihim sa mga magulang o tagapag-alaga.

Tinuligsa rin ng CBCP ang papel ng mga sikat sa pag-glamorize ng sugal. Ayon sa liham, lumilikha ito ng ilusyon ng madaling pera at nagtutulak sa kabataan sa mapanganib na bisyo — salungat sa anumang pahayag ng “responsableng pagpo-promote.”

Bagamat kinikilala ang pangangailangan ng isang “whole-of-society approach,” tinuligsa ng CBCP ang papel ng Estado bilang tagapagtulak, taga-regulate, at nakikinabang mula sa kita ng sugal, diin ng obispo.

Sa mapagpakumbaba ngunit matatag na pagtatapos, nanawagan si Cardinal David sa mga lider ng pamahalaan: unahin ang dangal ng tao at kapakanan ng nakararami kaysa sa pansamantalang pakinabang.

Nanindigan ang CBCP sa tuloy-tuloy na pakikipagtulungan, ngunit iginiit ang moral na tungkulin na huwag gawing libangan ang bisyo. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *