Nanawagan si dating Bayan Muna Party-list Representative Carlos Isagani Zarate sa agarang pag-repeal o pagpawalang-bisa sa Presidential Decree No. 87 (PD 87), ang batas na ipinatupad noong panahon ng diktadurang Marcos na kilala bilang “Oil Exploration and Development Act of 1972.”
Ito ay kasunod ng desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa Malampaya Natural Gas Exploration Project.
Ayon kay Zarate, ang desisyon ng Korte Suprema ay nagpatibay sa isang iskema na nagkait sa pamahalaan ng hindi bababa sa P53 bilyon na potensyal na kita, sa pamamagitan ng pag-obliga sa gobyerno na akuin ang buwis sa kita ng mga pribadong kontratista.”
Pinagtibay ng Korte Suprema Miyerkules, Hulyo 30, na alinsunod sa PD 87 at Service Contract No. 38, ang 60% na bahagi ng pamahalaan sa netong kita mula sa Malampaya ay kabilang ang income tax ng mga kontratista.
Binabaligtad nito ang naunang pasya ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing may P53.14 bilyon na hindi na-remit na buwis mula 2002 hanggang 2009.
“This Supreme Court decision, while based on the existing flawed legal framework, underscores the urgent need to rectify a historical injustice perpetuated by Presidential Decree No. 87,” pahayag ni Zarate, isang tagapagtaguyod ng reporma sa sektor ng enerhiya.
Hindi aniya makatarungan na ang batas na ipinasa sa ilalim ng diktadurang Marcos ay patuloy na pinapapasan sa taumbayan ang buwis na obligasyon ng dambuhalang pribadong korporasyon sa isang mahalagang proyektong pambansa gaya ng Malampaya.
“It is unconscionable that a law crafted during the Marcos dictatorship continues to burden the Filipino people by forcing the government to shoulder the income tax obligations of highly profitable private corporations in a crucial national resource project like Malampaya.”
Binigyang-diin ni Zarate na ang P53 bilyon na tinukoy ng COA ay “malaking kawalan sa kaban ng bayan na sana’y nailaan sa serbisyong panlipunan, kalusugan, edukasyon, o imprastruktura.”
Hindi aniya ito simpleng teknikalidad, bagkus, ito ay malinaw na halimbawa kung paanong ang mga luma at maka-korporasyong polisiya ay unti-unting sinasakal ang ating pambansang yaman.
Ayon kay Zarate, ang PD 87 ay lumikha ng “di-pantay at nakalulugi sa gobyerno, na dinisenyo upang makahamig ng sobrang insentibo sa dayuhan at pribadong pamumuhunan kapalit ng pambansang interes.”
“It’s a relic of a bygone era, allowing private entities to profit immensely from our natural resources while shifting their tax burden onto the Filipino taxpayers,” giit niya.
Nanawagan si Zarate sa Kongreso na bigyang-priyoridad ang pag-repeal ng PD 87 at ang pagbuo ng isang bagong batas na mas makatarungan at mas papaboran ang interes ng bayan.
“We must revisit and repeal these Marcosian, even colonial-era, policies that continue to plunder our resources, particularly our strategic assets. A new legislative framework must ensure that the profits from our national patrimony genuinely benefit the Filipino people, not just a select few private corporations,” ani Zarate. (ROSE NOVENARIO)