Sun. Mar 15th, 2026

Sinupalpal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang reporter sa Malakanyang nang tanungin siya kung may dawit na mga opisyal ng pamahalaan, partikular ang mga kongresista, sa mga isiniwalat ng Punong Ehekutibo na mga kuwestiyonableng flood control projects sa bansa .

“Wala na ba talaga tayong investigative journalist ngayon dito sa Pilipinas?” tugon ni Marcos Jr. na tila hindi nagustuhan na sa kanya pa mismo manggagaling kung sino ang mga koneksyon ng mga kontratista.

“Trabaho niyo ‘yan. Look it up. We are going to look at it also. But it’s very – it’s – it will be premature for me to name names, et cetera, until we really know what’s going on.But you know, go out there, tingnan ninyo. Talk to the people. We need to hear from everyone,” dagdag niya.

‘Participatory governance?’

Inilunsad ni Marcos Jr. ang sumbongsapangulo.ph, isang website na makikita ang flood control projects at puwedeng  i-report ng publiko ang mga umano’y iregular na flood control projects.

Hinimok ng Pangulo ang aktibong partisipasyon ng mga mamamayan sa isinusulong niyang mga adbokasiya na good governance at anti-corruption.

“Importante ‘yung kontribusyon ng taumbayan. Napakahalaga. Dahil kami, nandito kami, pinag-uusapan nga natin ano? How – 9,000 projects. Siyempre idedetalye namin ‘yan, iisa-isahin namin ‘yan,” aniya.

“Pero ang tao, nandoon – nandoon sa harap nila eh. Paggising nila sa umaga, maglalakad lang sila ng kalahating kilometro, nandiyan na, nakita na nila eh. So, that’s more – that’s maybe more important,” paliwanag ni Marcos Jr.

“Kaya we have encouraged – the way we put the website toge – kahit may picture, may video, i-upload ninyo sa amin para makita namin.”

Kontratista tatalupan

Pangunahin sa mga isiniwalat ng Pangulo na nabisto ng kanyang tanggapan na sa 9,855 flood control projects na may kabuuang halagang P545.64-B, ay 6,021 mga proyekteo na pare-pareho lang ang contract cost.

Umabot din aniya sa 20% ng P545-B na pondo sa flood control ay napunta lamang sa 15 mga contractor, at lima sa kanila ang may kontrata sa halos lahat ng rehyon sa bansa.

May mga proyektong magkapareho aniya ang halaga kahit magkaiba ang lokasyon na imposible raw dapat.

Hindi rin aniya tugma na ang 10 lalawigan na nabigyan ng pinakamaraming flood control projects ay hindi kasama ang iba sa idineklarang “Top 10 Flood Prone Provinces” ng National Adaptation Plan of the Philippines 2023 – 2050.

Sinabi ni Marcos na ang Department of Economy, Planning, and Development (DepDEv) ang bubusisi sa lahat ng flood control projects ngunit kailangan ang pakikipagtulungan ng publiko upang maging matagumpay.

Ang DepDev ay ang bagong itinatag na kagawaran ng pamahalaan na responsable sa pambansang polisiya sa ekonomiya, pagpaplano, koordinasyon, at pagsubaybay sa kaunlaran.

Ito ay nilikha sa bisa ng Republic Act No. 12145, na nag-reorganisa sa dating National Economic and Development Authority (NEDA) bilang isang ganap na Cabinet-level na departamento.

“ If you remember, the DEPDev is going to now – go into all of that. Pero parallel – parallel ano ‘yan – parallel effort ‘yan sa gobyerno at saka sa taong-bayan,” wika ng Pangulo.

Sa 15 top contractors, pangatlo ang St. Timonthy Construction Corp. na pagmamay-ari ng pamilya ng talunang Pasig City mayoralty bet Sarah Discaya habang ang pang-walo na Sunwest Inc. ay pagmamay-ari ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *