Ipinahayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kanyang buong suporta sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa umano’y malalim na korapsyon sa loob ng Department of Public Works and Highways (DPWH), partikular sa mga flood control projects na kinasasangkutan ng mga nangungunang kontratista na umano’y konektado sa makapangyarihang grupong tinatawag na “Discayas.”
Sa isang paskil sa Facebook para sa mga Pasigueño, binanggit ni Sotto ang ilang pangunahing kumpanya, Alpha & Omega (Rank 2), St. Timothy (Rank 3), at St. Gerrard, bilang bahagi ng Discaya network. Ang mga kumpanyang ito ay kabilang sa Top 15 DPWH contractors na binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang pahayag.
Si Sarah Discaya, na tinalo ni Sotto sa halalan sa pagka-alkalde ng Pasig noong 2025 elections, ay kasalukuyang President & CEO ng Alpha & Omega at Vice President & CFO ng St. Gerrard Construction. Ang kanyang koneksyon sa mga kumpanyang ito ay lalong binibigyang pansin sa gitna ng panawagan para sa transparency at accountability sa paggastos ng pondo sa imprastruktura.
“Six Stages of Corruption”
Ibinahagi ni Sotto ang tinatawag niyang “Anim na Yugto ng Korapsyon” na umano’y isinasagawa ng ilang kontratista:
1.Procurement pa lang, may anomalya o sabwatan na
2.Substandard ang proyekto—o gaya ng sabi ng Pangulo, “guni-guni lang”
- May SOP o porsyento na umaabot sa kalahati ng project cost
- Hindi nagbabayad ng tamang buwis sa BIR
- Kulang ang binabayarang business tax sa LGU—may top contractor na nagdeklara ng ZERO gross revenue!
- Kapag bihasa na sa 1–5, papasok na sa politika—ibibigay ang 1% ng nakaw bilang “tulong” para magmukhang mabait
Ayon kay Sotto, alam na alam ito sa loob ng gobyerno, at mismong mga barangay captain at lokal na opisyal ang nagbahagi ng impormasyon sa kanya.
Tugon ng Pasig : Legal na Aksyon at Transparency
Inanunsyo ni Mayor Sotto ang dalawang hakbang na isasagawa ng Pasig City:
– Pagsusumite ng Red Flags sa Malacañang – Iuulat sa Pangulo ang lahat ng kahina-hinalang datos at asal ng mga kontratista
-Pagsasampa ng Tax Cases – Itutuloy ng lungsod ang legal na aksyon para mabawi ang milyun-milyon—o bilyon—na hindi nabayarang business tax
“Makolekta lang natin ang utang nilang Business Tax sa LGU, may pondo na ang Pasig para ipagawa ang Building para sa Judiciary at National Government Agencies,” ani Sotto.
Bagamat aminado sa panganib ng pagharap sa malalim na korapsyon, nanawagan si Sotto sa mga mamamayan na makilahok sa pagbubunyag at pagbuwag ng sistemang ito. (ROSE NOVENARIO)