Hiniling ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos sa City Engineering Office na magsagawa ng agarang inspeksiyon sa kasalukuyang ginagawang casino hub sa kontrobersyal na C5 Road Extension, na umano’y inisyatibo ng pamilya Villar.
Sumulat si Santos kay acting City Engineer Mike Aguilar matapos matanggap ang impormasyon mula sa kanyang mga sources na tuloy-tuloy ang konstruksyon ng dalawang nakaplanong casino sa 18,000-square-meter Vista Mall Global South kahit umano wala itong mga kaukulang permit mula sa city hall.
Nauna nang binalaan ni Santos na ang pagtatayo ng casino sa Las Piñas ay magdudulot ng pangmatagalang panganib sa lipunan at ekonomiya—mga epektong posibleng mas mabigat kaysa sa anumang pangakong kita o trabaho.
Noong Hulyo ng nakaraang taon, inihayag ng negosyanteng si Manny Villar ang planong itayo ang una sa dalawang casino sa muling binuong Vista Mall Global South sa kahabaan ng C5 Extension.
Nangako si Villar ng $1 bilyon na puhunan, kabilang ang halaga ng lupa, sa ilalim ng lisensyang gaming mula sa PAGCOR na nakuha bago ipatupad ang moratorium sa mga bagong aplikasyon para sa casino noong panahon ni Pangulong Duterte noong 2018.
Ayon sa anunsiyo, ang unang yugto ng proyekto ay nakatuon sa isang casino at hotel na target matapos sa Hulyo 2025. Gayunman, napag-alaman umano ni Santos na umatras na ang ilang dayuhang investors na orihinal na magiging katuwang sa proyekto.
Iginiit ni Santos na dapat matukoy ng City Engineering Office kung may mga kaukulang permit ang kumpanya ni Villar, gaya ng building, sanitary, at electrical permits, pati barangay at zoning clearance, at homeowner’s association clearance, para sa ginagawang casino hub.
“In line with our commitment to responsible governance and in support of the city government’s mandate, we respectfully request your office to conduct an inspection on all ongoing and upcoming projects within the city, specifically the casino being built on the revamped 18,000-square-meter Vista Mall along the C5 Extension corridor,”pahayag ng bagitong kongresista sa kanyang sulat.
Ayon kay Santos, kung mapatunayang walang kaukulang permit ang kumpanya ni Villar, dapat ipatigil at ipasara ang nasabing casino dahil malinaw itong paglabag sa Building Code at iba pang umiiral na batas.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat unahin sa pagpapaunlad ng lokalidad ang sustainable, inclusive, at morally responsible investments na mag-aangat sa komunidad nang hindi isinasakripisyo ang mga pinahahalagahan nito.
“Hindi dapat isinusugal ang kapakanan ng ating mamamayan kapalit ng tinatawag na pag-unlad. Marami pang mas maayos na paraan para makakuha ng pamumuhunan, makalikha ng trabaho, at makalikom ng kita nang hindi umaasa sa operasyon ng sugal,” dagdag niya.
Binanggit ni Santos na mayroon nang apat na integrated resorts sa kalapit na Parañaque City sa loob ng PAGCOR Entertainment City—ang Solaire ni Enrique Razon, City of Dreams Manila ng Belle Corp., Okada Manila, at Westside City ni Andrew Tan.
“Maninindigan ako kasama ng aking mga kababayan para protektahan ang integridad at pagkakakilanlan ng Las Piñas. Hindi natin hahayaang maging gambling hub ang ating lungsod. Ang laban na ito ay para sa ating mga pamilya, mga anak, at kinabukasan ng ating komunidad,” ani Santos. (ROSE NOVENARIO)