Lubos ang pagkabahala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa sunod-sunod na insidente ng karahasan sa loob at labas ng mga paaralan, na mismong mga estudyante ang sinasabing sangkot sa mararahas na krimen laban sa kanilang mga kapwa mag-aaral at guro.
Bagamat madalas ituring ng midya ang mga ito bilang hiwalay na trahedya, iginiit ng ACT na ito’y mga palatandaan ng mas malalim na krisis sa kultura at lipunan.
Ayon sa ACT, ang kabataan ngayon ay lumalaking nakalubog sa isang dominanteng kultura na hinubog ng mga naghaharing-uri, mga dinastiyang politikal, warlord, malalaking negosyo, at dayuhang kapangyarihan, na nananatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng “guns, goons, and gold.”
Isa itong kulturang:
– Burges – Nagpaparangal sa kayamanan at pansariling interes
– Pyudal – Nagpapatibay ng patriyarkal na pananaw na pumapailalim sa kababaihan at kabataan
– Dekadente – Nagpapalaganap ng karahasan, binabalewala ang hustisya, at pinapatay ang malasakit
Giit ng ACT, sa tulong ng komersyalisadong midya at kawalan ng tunay na demokratikong espasyo, lalong tumitibay ang kapangyarihan ng iilang may pribilehiyo. Sa ganitong kalagayan, ang kabataan ay nagiging produkto at biktima ng sistemang hindi nag-aalaga sa kanilang kapakanan o kritikal na kamalayan.
Babala ng grupo, ang mga solusyong nakabatay sa takot, tulad ng paglalagay ng mas maraming armadong puwersa sa mga paaralan o pagpapataw ng mabibigat na parusa sa mga menor de edad, ay mapanganib at lalo lamang mag-uugat ng kulturang marahas.
Sa halip na militarisasyon o pagkakakulong ng kabataan, dapat buwagin ang sistemang politikal na nagpapalaganap ng karahasan at kawalan ng pananagutan.
Giit ng ACT, hindi matuturuan ang kabataan ng respeto sa karapatang pantao, hustisya, at pananagutan kung ang mga elitistang lumalabag dito ay patuloy na tinotolerate at ginagantimpalaan ng mas malaking kapangyarihan.
Dapat anilang tumutol sa mga pakana ng digmaan at dayuhang impluwensya, at labanan ang bulok na kulturang pinapalaganap ng mga makapangyarihan.
Bilang tugon, iminungkahi ng ACT ang mga sumusunod na hakbang:
– Integrasyon ng edukasyong pangkapayapaan at hustisya sa kurikulum, batay sa realidad ng lipunang Pilipino
– Pinalakas na guidance at counseling services sa bawat paaralan, may sapat na tauhan, pribadong espasyo, at psychosocial support
– Proteksyon sa kalayaang akademiko at pagbibigay ng demokratikong espasyo para sa bukas na talakayan
– Suporta sa mga programang pangkultura ng paaralan at komunidad gaya ng publikasyon, teatro, musika, sining biswal, at palakasan—na nagpapakita ng pakikibaka at adhikain ng mamamayan
Ang tunay anilang kapayapaan sa mga paaralan ay hindi maihihiwalay sa tunay na kapayapaan sa lipunan.
“Genuine peace in our schools cannot be separated from genuine peace in society. A culture that values life, ensures accountability, and upholds justice must be built through critical education, democratic participation, and social transformation. For the sake of our youth and our nation, we must confront the roots of this crisis and refuse to settle for measures that merely hide its symptoms.” (ZIA LUNA)