Fri. Feb 13th, 2026

📷: Engineer Even Calajate | Kabataan Partylist FB

 

Ako po si Engineer Even Calajate, Chairman ng Alliance for Consumers Protection ng San Jose del Monte City. Dati po akong member of the board of directors ng San Jose del Monte Water District mula noong 1987 hangang 1991. Noong 1992 ako po ay na elect bilang chairman of the board of directors hangang 2006, kaya nasubaybayan ko ang lahat ng pinagdaanan nito mula halos sa simula.

Advocacy ko po ang matulungan ang ating pamayananan na magkaroon ng maayos, malinis at murang serbisyo sa tubig lalong lalo na dahil dito narelocate ang libo libong pamilya ng mga maralita kabilang na dito ay ang kaunaunahang relocation area sa buong Pilipinas, ang Sapang Palay na tirahan ng mga nasa laylayan sa ating Lipunan na sa panahon iyon ay parang itinapon lang at pinabayaan.

Sa pakikipagtulungan ng mga kapwa ko San Joseno, ng aming mga empleyado, mga manggagawa at ng pamahalaang lokal, mula sa halos wala ay naitaguyod natin ang  pagkakaroon ng malinis, ligtas, maayos na serbisyo at murang singil sa tubig hanggang sa ito ay tumangap ng pagkilala bilang “Most Outstanding Water District sa buong Luzon, at pangatlo sa buong Pilipinas”. Sa usaping pinansya noong 2015, 2016 ay kumikita ito ng higit 187 milyong piso at mahigit 200 milyon noong 2017 na ang kalahati nito ay ginamit upang ipagawa ang ikatlong Water Treatment Plant na hindi na inutang. Ang unang treatment plant ay bayad na at ang ikalawa ay magtatapos ngayong 2025.

Sa kabilang banda ang maraming mga subdibisyon ng mga Villar na pinapatakbo ng Prime Water ay inerereklamo ng mga home owner’s association (HOA) dahil sa hindi maayos, hindi 24/7 na serbisyo, at hindi ligtas na inuming tubig. Ito ang dahilan upang sila ay maghain ng petisyon sa city council upang ang kanilang serbisyo sa tubig sa Prime Water ay mailipat sa San Jose del Monte Water District.

Ang hindi ko kayang unawain ay kung sa anong katwiran na ang Prime Water ay naghain ng “unsolicited proposal” sa ating water district upang di umano ay pag aralan upang lalo pa nitong mapaunlad ang ating Water District. Kahit sinong tanungin ay di makapaniwala na ang Prime Water na palpak ang serbisyo ay maghahain sa isang Most Outstanding Water District ( upang diumano ay pag-aralan at paunlarin ) dahil ito ay isang malaking insulto sa mga bumubuo ng water district,  ng mga dating opisyal ng LGU na tumulong dito at mga parokyano nito na siyang totoong kamayari ng Water District dahil mula sa kanilang ambag, sa pamamagitan ng pagtatakda ng minimum charge ( gumamit o hindi) upang tustusan, ang pagpapaunlad nito.

Naging maliwanag lang sa akin ito nang mapanood ko ang privilege speech ng dating congresswoman, at ngayon ay ating Mayor sapagkat dito nya sinabi nya na para daw maging epektibo ang mga pampublikong serbisyo ay dapat daw pribado ang nagpapatakbo na sa tingin ko ay insulto sa mga opisyal at taong gobyerno.

Lalong naging maliwanag ng malaman ko na ang LWUA ay nasa ilalim pala ng DPWH na ang secretary ay si senator Mark Villar, sapagkat doon lomobo ang mga JVA Joint Venture Agreement ng Prime Water na umabot sa 77 na water district sa buong Pilipinas.

Dahil sa napakahabang panahon na ng paghihirap at pagtitiis ng mga San Joseno sa palpak na serbisyo nagkaroon ng malaganap na reklamo at pagkilos ang mga mamamayan na naging dahilan upang gumawa ng resolution para sa Pre Termination ang sanguniang panglungsod ng San Jose del Monte na sya namang ipinatupad ng Board of Directors ng Water District. Ito ay nagtapos na noong August 7, 2025. Noong November 4, 2025, sa SOCA ng ngayon ay  ating Mayor Florida Robes ipinahayag nya na Terminated na ang JVA sa Prime Water subalit walang malinaw kung ano na ang tutunguhin nito.

Malinaw sa amin na hindi makatarungan ang JVA sapagkat kahit sa pakikipagusap namin sa LWUA, OGCC at NWRB, sa mga pagdinig sa kongreso at senado ay malinaw na ito ay nangyayari dahil ginagamit ng mga nasa katungkulan sa gobyerno ( mga politikong ginawang Negosyo ang posisyon sa LGU, KONGRESO at SENADO ) upang pagkakitaan ang mga serbisyong panlipunan tulad ng tubig na isang batayang serbisyo subalit ang ginawa ay pinagkakitaan lamang tayo.

Subalit dahil dito, sa aking huling pagdalo sa pagdinig sa senado ay ginawan pa ako ng kaso ng mga myembro diumano sila ng”KLIK“isang organisasyon ng kababaihan dito sa ating lunsod dahil sa paghahangad ko ng katarungan para sa serbisyong ito, isang “perjury case”. Haharapin ko ito ng taas noo dahil alam naman natin na ito’y pamamaraan lang ng mga apektado ng usaping ito

Sana po ay magtulungan tayo upang maibalik uli ang operation at management ng San Jose del Monte water district para sa maayos, malinis, 24/7 at murang serbisyo sa tubig.

Maari po kayong makipagugnayan sa mga organisasyong nagsusulong ng ating mga Karapatan sa tubig at iba pang serbisyong panlipunan, at mga usapin ng garapalang korapsyon na nagaganap lalong lalo na sa ating probinsya ng Bulacan na sya ngayong pangunahin sa buong bansa.

Alliance for Consumer’s Protection (ACP), People’s Rights Network (PRN), Concerned Citizens of San Jose del Monte (CCSJ) at Water for the People Network (WPN)

 

Maraming salamat po!

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *