📸: Cordillera Human Rights Alliance / FB
Ikinatuwa ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang pag-absuwelto kina Dr. Ana Marie Rilloraza-Leung, isang community health worker, at Indigenous Peoples’ advocate na si Alpha Sungay sa kasong isinampa laban sa kanila sa Tagudin, Ilocos Sur, at sinabing inilantad ng desisyon ang umano’y padron ng walang batayang kasong kriminal laban sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Sa pahayag ng grupo, sinabi nitong matagal nang iginiit ni defense counsel Randy Kinaud na walang sapat na batayan at ebidensya ang mga kaso.
Ayon sa CHRA, pinagtibay ng hukuman na hindi sapat ang ebidensyang iniharap ng mga nagrereklamong sundalo upang mapatunayan ang pagkakasala ng mga akusado nang lampas sa makatwirang pagdududa.
Iniugnay ng CHRA ang pag-absuwelto sa kamakailang pagpapawalang-sala rin sa limang bilanggong pulitikal sa Bontoc, Mountain Province na nahaharap sa mga kasong multiple murder at frustrated murder. Anila, ipinakikita ng mga kasong ito ang paggamit ng mga reklamong kriminal upang gipitin at takutin ang mga aktibista at tagapagtaguyod ng mga komunidad.
Nanawagan ang CHRA sa pamahalaan na wakasan ang umano’y kriminalisasyon ng lehitimong pagtutol at papanagutin ang mga responsable sa mga hindi makatarungang pag-uusig.
“Dapat itaguyod ng hustisya ang katotohanan at pananagutan, hindi maging kasangkapan ng panliligalig at pag-uusig,” ayon sa CHRA. # (RRN)