Hinikayat ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Philippine National Police (PNP) na magpatupad ng “maximum tolerance” at igalang ang karapatan ng mga Pilipino na magtipon nang mapayapa.
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng marahas na dispersal at pag-aresto sa halos 300 raliyista na nagprotesta laban sa pagbisita ni U.S. President Donald Trump at sa U.S.-led Pax Silica initiative sa kasagsagan ng pagbubukas ng 49th ASEAN Summit.
Ayon kay Pangilinan, dapat magkasabay ang pagpapanatili ng kaayusan at ang pagprotekta sa batayang kalayaan ng mamamayan. Binigyang-diin niya na parehong Pilipino ang mga pulis at ang mga nagpoprotesta na may parehong pangamba sa mataas na presyo ng bilihin, kabuhayan, at seguridad.
“Hinihiling natin sa ating mga pulis na kilalanin ang shared aspirations at harapin ang mga mapayapang nagpoprotesta nang may pang-unawa, restraint, at paggalang,” ani Pangilinan.
Dagdag pa ng senador, hindi dapat ikahiya ng Pilipinas ang mga mapayapang kilos-protesta sa harap ng mga bumibisitang lider mula sa iba’t ibang bansa, bagkus ay pagkakataon ito upang ipakita sa mundo na gumagana ang demokrasya sa bansa.# (RRN)