Fri. Feb 13th, 2026

📷: Bayan USA | FB

 

By Concerned Migranteng Pinoy

 

Malungkot para sa isang Pilipino na makikita mong ang bayan mong nilisan ay hindi lang nalulubog sa tubig-baha kundi sa malawakang kurapsiyon na tila mahirap nang masolusyunan.

Nilisan ko at ng pamilya ko ang Pilipinas hindi dahil nauubusan na ako ng pagmamahal sa bansa ko kundi upang hanapin ang mga oportunidad na mahirap makamit sa sariling bayan.

Naniniwala akong hindi naghihikahos ang bansa, bagkus mayaman tayo—kung tutuusin wala sanang gutom dahil mayaman ang ating kalikasan. Ngunit ang yamang ito imbes na mapapakinabangan ng taumbayan ng pantay-pantay ay kabaligtaran dahil itoy natatamasa lamang ng kung sino ang mayaman at may kapangyarihan.

Maging mga resources ng ating pamahalaan, at sa mahaba ng panahon na problema ng nakawan at kurapsiyon sa kaban ng bayan, tila nagging normal na lamang ito sa iba. Ang iba nating mga kababayan tila manhid na rin at wala nang pakialam kaya nga kahit na nasasangkot at may kasong katiwalian ay paulit-ulit na nailuloklok pa rin sa kapangyarihan.

Kung tutuusin, pwede nang hindi ako makikialam sa isyu ng bayan, dahil nakukuha naman namin ang mga serbisyong hindi naming nakukuha sa sariling bayan lalo na sa panig ng aking mga anak.

Ngunit dahil mahal ko ang bayan at iba pang pamilya at kaibigan na nasa Pilipinas, hindi ko maitatanggi na nariyan pa rin ang alab ng aking pagmamahal at pag-aalala sa mga nangyayari ngayon sa bayan. Dahil hindi naman nawawala ang pagiging Pilipino sa pangingibang bayan.

Habang nakatingin ako mula sa malayo, nakikita ko ang tunay na problema. Marahil Malaki ang pagkukulang nating mga tao dahil nasasanay tayo na iasa ang ating kinabukasan sa mga taong nangangako sa atin tuwing halalan. Hindi rin natin kinikilatis ng tama ang ating mga ibinuboto at hindi natin sinusundan ang kanilang mga ginagawa sakaling naluluklok na sa pwesto. At higit sa lahat patuloy pa natin ipinagtatanggol kahit pa sangkot sa anomalya dahil lamang sa idol natin ito.

Sa isang bansang demokrasya tulad ng Pilipinas, tao ang mas makapangyarihan at hindi ang pulitiko o taong gobiyerno. Kaya lang hindi natin ito nagagamit hindi lang dahil sa kakulangan ng kaalaman kundi marahil ay kawalan ng interes dahil mas mahalaga sa atin makapaghanap buhay para maitawid natin ang pangangailangan ng ating pamilya.

Pero hindi ba na mas malaking maitutulong sa atin at pamilya natin kung matino ang namamahala sa atin?

Hindi rin ako naniniwala na kung mahirap tayo ay wala tayong magagawa. Totoo naman, sino ba naman tayo o ano ba naman ang lakas nating kalabanin ang makapangyarihang pulitiko o angkan sa lugar natin. Pero hindi sa lahat ng oras o panahon ay sunud-sunuran tayo. May kasabihan nga rin tayo na ang pagsasawalangkibo sa mga anomalya o katiwalian kahit ito ay lantaran nang nakikita ay hindi ba tila nagging kasabwat na rin?

Maraming pagkakataon, maraming oportunidad na marinig ang ating boses at maipakita ang ating pagkadismaya o hindi pagtanggap sa mga nangyayari sa ating bayan ang kailangan lamang ay magsama sama tayo at ipakita sa mga pulitiko at taong gobiyerno na tayo ang makapangyarihan at dapat ang taumbayan ang kanilang pagsigilbihan hindi yong kabaligtaran.

Marami na tayong nakikita, nababasa, at napapanood, malawak ang mga pamamaraan na pwede nating gawin upang alamin ang katotohanan sa mga sangkot na mga pangalan ngayon sa isyu ng flood control project at iba pang infrastructure issues.

Sa usaping ito dapat ay may pakialam tayo, makialam, at ipabatid ang ating pagkadismaya at kailangan makipagtulungan upang mapanagot ang mga may sala.

Huwag nating hayaang malihis ang ating atensiyon sa totoong usapin dahil sa ibat-ibang uri ng pagmamaniobra ng mga sangkot sa katiwalian. Malawak ang kanilang koneksiyon, marami silang nakulimbat na pera na maaari nilang gamitin upang silay makalusot. Kaya nilang magbayad ng magagaling na abogado at kaya nilang patahimikin ang mga may alam na nais magsiwalat ng katotohanan.

Pero nasa atin ang lakas basta magsama-sama tayo yan ay napatunayan na nating mga Pilipino noong una at totoong Edsa People Power.

At sana alisin na natin ang ugaling panatiko o nag-i-idolo sa pulitiko kahit pa ito’y tiwali.

Tatandaan natin na hindi lang tayo ang naapektuhan sa mali nating desisyon kundi ang buong sambayanan.

Kahit ikaw ay mahirap may magagawa ka, may magagawa tayo kailangan mo lang gawin kung ano ang nararapat at tama hindi para sa pulitiko kundi para sa kinabukasan ng anak at ng pamilya mo.

Ang katwiran ng iba, hindi naman mapapakain ng prinsipiyo o ng pakikipaglaban sa usaping bayan ang pamilya.

Tama ka! Ngunit hindi ka ba nagagalit na ang sana’y sinasabi mong “pagpapakain sa pamilya” mo ay ninanakaw din ng mga nasa pamahalaan? Na ang isyu ngayon ng katiwalian ang dahilan kung bakit hirap ka maghanap ng trabaho, mataas na presyo ng bilihin, kawalan o kakulangan ng serbisyo medikal at iba pa. At hindi lang ito simpleng pagkain kundi Magandang kinabukasan sana ng iyong mga anak na ninanakaw sa’yo?

Kung nais natin ng pagbabago, kailangan unahin muna natin sa sarili natin ang pagbabago dahil kung hindi lalo lamang tayong mababaon at malulubog sa kumunoy ng kawalan.

Hindi lang natin ito obligasyon sa ating mga ninuno na nagbuwis ng buhay para sa ating Kalayaan, hindi lang natin ito obligasyon para sa magkaroon ng Magandang bukas ang ating mga anak at pamilya, kundi obligasyon natin ito sa mga darating pang henerasyon.

Huwag sana nating hayaang tuluyan ng lumubog ang bansa nang dahil lamang sa kawalan natin ng pakialam!

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *