Sun. Mar 15th, 2026

📷: Karapatan | FB

 

Pinawalang-sala ng Taguig City Regional Trial Court Branch 266 ang dalawang consultant sa usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at tatlong iba pa sa mga kasong kidnapping na may kasamang murder at frustrated murder.

Iniutos ng hukuman ang pagpapalaya kina Renante Gamara at Tirso Alcantara, pati na rin sa organisador ng mga magsasaka na si Dionisio Almonte, at construction workers na sina Diony Borre at Raul Razo.

Pinalaya sina Gamara, Borre, at Razo mula sa Metro Manila District Jail Annex 4 kagabi, Agosto 14, 2025, sa Taguig City.

Samantala, nananatiling nakapiit si Almonte sa New Bilibid Prisons (NBP), ayon sa ulat ng human rights groudp na Karapatan.

Hinatulan si Alcantara in absentia, at hindi pa rin matukoy ang kanyang kinaroroonan.

Nagtago siya matapos kanselahin ng administrasyong Rodrigo Duterte ang pormal na usapang pangkapayapaan noong 2017.

Ang lima ay isinangkot, kasama ang 32 iba pang akusado, sa kasong may kaugnayan sa pagdukot at pagpatay sa isang sundalo at tangkang pagpatay sa isang “rebel returnee” sa Mauban, Quezon noong Mayo 2007.

Ayon sa Karapatan, ang batayan ng pagsama ng kanilang mga pangalan sa warrant of arrest ay “pekeng ebidensya.”

Si Gamara, na inaresto noong Marso 2012 batay sa warrant na inilabas noong Mayo 2011, ay isinama lamang sa listahan 11 araw bago siya dinakip.

Ipinahayag ng militar na siya ang tinutukoy na “Ka Mike” sa warrant, sabi ng Karapatan.

Ngunit giit ni Gamara, hindi siya kailanman nakapunta sa Mauban at nasa Maynila siya noon para sa kampanya ng Bayan Muna nang mangyari ang insidente.

Pinayagan siyang magpiyansa noong 2016 upang makalahok bilang consultant sa pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at pamahalaan ng Pilipinas.

Muli siyang inaresto noong Marso 2019 matapos umano’y taniman ng pekeng ebidensya ng baril at pampasabog sa kanyang tinutuluyan, ayon sa Karapatan.

Isinama si Borre sa kaso dahil siya ay manugang ng yumaong Gregorio “Ka Roger” Rosal, dating tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines.

Katulad ni Gamara, iginiit niyang hindi siya kailanman nakapunta sa Mauban, Quezon.

Si Almonte ay tumutulong sa isang panaderya habang si Razo naman ay nasa isang construction site nang mangyari ang insidente.

“Public prosecutors have this insidious practice of amending arrest orders by adding the names of targeted personalities, claiming without basis that the aliases on the warrant belong to them. The trumped up charges were also based on the perjured testimonies of a so-called rebel surrenderee named Erwin Rosales, whose claims were considered hearsay by the court, and the failed attempt of the prosecutors to establish their participation in the alleged crime,“ sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.

“We are glad that the court saw through the lies and inconsistencies in the testimonies of the prosecution witnesses,” Palabay added, “and we hail the efforts of the defense lawyers in ferreting out the truth and securing the liberty of those who had been wrongfully accused and unjustly detained for so long.”  (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *