Sun. Mar 15th, 2026

📷: Koalisyong Makabayan | FB

 

Mariing kinondena ng Makabayan bloc sa Kongreso ang umano’y “coordinated campaign of terror” laban sa mga estudyante, aktibistang kabataan, at manggagawang simbahan sa Eastern Visayas, kasunod ng siyam na insidente ng pananakot at pagmamanman mula Hulyo 30 hanggang Agosto 16.

Sa isang kalatas, tinuligsa ng mga progresibong mambabatas ang mga hakbang ng mga pwersa ng estado, na anila’y lumalabag sa mga karapatang konstitusyonal at ginagamit ang mga institusyon ng gobyerno laban sa karaniwang mamamayan.

“Kami, ang Makabayan bloc sa Kongreso, ay mariing kinokondena ang tumitinding pattern ng pananakot, intimidasyon, at pagmamanman na isinasagawa ng mga pwersa ng estado laban sa mga estudyante, aktibistang kabataan, at manggagawang simbahan sa Eastern Visayas,” ayon sa pahayag.

Ibinunyag ng grupo ang mga insidente ng pananakot kina University of the Philippines student Paul Lachica, aktibistang kabataan Kyle Domequil at ang kanyang pamilya, at ang paulit-ulit na pagbisita sa tahanan ni Student Regent Jon Ivan Torreros. Ayon sa kanila, malinaw na estratehiya ito upang takutin at patahimikin ang mga kritiko.

“Ang ginagawa ng militar at pulis sa Eastern Visayas ay hindi lamang pang-aabuso sa karapatang pantao — ito ay direktang pag-atake sa mamamayan,” ani ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio. “Kapag tinatakot ng mga ahente ng estado ang mga tindero, iniintimidate ang mga pamilya, at minamanmanan ang mga estudyante dahil lamang sa kanilang paniniwalang pampulitika, nasasaksihan natin ang mga palatandaan ng awtoritaryong pamumuno.”

Nagpahayag din ng pagkabahala ang grupo sa mga bantang ibinibigay ng militar sa mga magulang, na sinasabing “nagsasalita na parang red fighter” ang kanilang mga anak dahil sa pagbatikos sa mga polisiya ng gobyerno.

“Ito ay klasikong red-tagging na layong bigyang-katwiran ang patuloy na panunupil,” diin ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co. “Ang pagbabanta sa mga magulang para kontrolin ang kanilang mga anak ay hindi lamang krimen laban sa pamilya — ito ay krimen laban sa buong lipunan.”

Bukod sa mga estudyante, ibinunyag din ng Makabayan bloc na tatlong pastor at mga simbahan sa Southern at Western Leyte ang nakaranas ng pananakot, patunay umano na mas malawak ang saklaw ng panunupil.

“Ang paglabag sa karapatang pantao sa pamamagitan ng ilegal na paggamit ng talaan ng BJMP at personal na impormasyon ay hindi lamang labag sa batas — ipinapakita nito kung paanong ginamit ang mga institusyon ng estado laban sa karaniwang mamamayan,” dagdag ni Rep. Tinio.

Nanawagan ang mga mambabatas sa Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga insidente at panagutin ang mga sangkot sa umano’y ilegal na operasyon.

“Hindi namin hahayaang maging normal ang takot sa ating mga kabataan. Ang kanilang karapatan na magsalita, mag-organisa, at mangarap ng mas makatarungang lipunan ay hindi matatakot sa anumang pananakot ng estado,” pahayag ni Rep. Co.

Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, nanawagan ang Makabayan bloc ng agarang pagtigil sa lahat ng operasyon ng pananakot sa rehiyon, iginiit na ang karapatang magpahayag ng saloobin ay bahagi ng demokrasya — hindi terorismo.

“Ang karapatang magpahayag ng saloobin ay hindi terorismo — ito ay demokrasya sa pagkilos. Dapat tandaan ng administrasyong Marcos na ang tunay na seguridad ay hindi nagmumula sa pananahimik ng mga kritiko, kundi sa pagtugon sa lehitimong hinaing ng sambayanang Pilipino.” (JCNE)

 

 

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *