Mariing pinuna ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Representative Antonio Tinio ang kamakailang pahayag ni Vice President Sara Duterte ukol sa umano’y “paper and pencil” na antas ng sistema ng edukasyon sa bansa.
Ayon kay Tinio, hindi karapat-dapat si Duterte na magreklamo, lalo’t siya mismo ang naging pinakapalpak na kalihim ng Department of Education (DepEd).
“May lakas ng loob si VP Duterte na punahin ang sistema, gayong siya ang pinakapalpak na DepEd secretary. Walang karapatang magreklamo ang taong hindi nagtrabaho,” giit ni Tinio.
Tinukoy ni Tinio ang ulat ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) na nagpapakita ng mababang paggamit ng pondo ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte. Sa taong 2023 at 2024, umabot lamang sa 11% hanggang 17% ang disbursement rate para sa mga aklat at learning materials.
“Paano siya magrereklamo sa kakulangan ng teknolohiya kung ni mga aklat ay hindi niya naipamahagi? Paano matututo ang mga estudyante kung wala silang pangunahing kagamitan?” tanong ni Tinio.
Ayon sa Commission on Audit (COA), 192 lamang sa target na 6,379 na bagong silid-aralan ang natapos ng DepEd noong 2023 sa ilalim ni Duterte.
“Mas inuna pa niya ang confidential funds kaysa tugunan ang learning crisis. Walang duda, siya ang pinakapalpak na DepEd secretary!” dagdag pa ni Tinio.
Binanggit din ng mambabatas na 48% lamang ang naipatupad sa school-based feeding programs, habang bilyong piso ang nanatiling hindi nagamit para sa edukasyon.
“Ang mga batang gutom at walang aklat, paano matututo ng robotics at coding?” ani Tinio.
Tinukoy ni Tinio ang datos mula sa UNICEF ukol sa mga estudyanteng hindi marunong bumasa, at sinabing ito’y patunay ng pagkabigo ni Duterte bilang pinuno ng DepEd.
“Ginagamit niya ang statistics para magreklamo, pero hindi niya inaamin na lumala ang krisis sa ilalim ng kanyang pamumuno,” dagdag niya.
Hinamon ni Tinio ang administrasyong Marcos Jr. na tugunan ang ugat ng krisis sa edukasyon sa pamamagitan ng makabuluhang pagtaas ng budget at sistematikong reporma.
“Hindi sapat ang retorika. Kailangang itaas ang pondo sa edukasyon sa hindi bababa sa 6% ng GDP. Kailangan din ng mas mataas na sahod para sa mga guro upang maiwasan ang brain drain,” aniya.
“Ang mga guro at estudyante ay nangangailangan ng konkretong solusyon, hindi ng mga pahayag mula sa mga opisyal na nabigo sa kanilang tungkulin. Ang mga bata ay karapat-dapat sa mga lider na may gawa, hindi puro dahilan,” pagtatapos ni Tinio. (ROSE NOVENARIO)