Tila pag-iwas, hindi reporma, ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno .
Sa gitna ng sunod-sunod na iskandalo ng korapsyon sa kanyang administrasyon, iginiit ng Makabayan bloc: siya ang unang dapat siyasatin.
“Hindi pwedeng mag-lifestyle check lang sa iba habang ang pinakamataas na opisyal ay nagtatago ng kanyang yaman at hindi transparent sa kanyang mga transaksyon,” ayon kay Assistant Minority Leader Atty. Renee Louise Co ng Kabataan Party-list.
“While we support genuine anti-corruption efforts, we demand that President Marcos lead by example and subject himself to the same scrutiny he demands from others. Marcos should be the first one since he has confidential and intelligence funds and has control over the implementation of the entire budget as chief executive,” sabi ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio.
Binatikos ng Makabayan bloc ang hakbang bilang pampapogi lamang, habang tinatakpan umano ni Marcos ang sarili at itinuturo ang iba.
“The President cannot absolve himself from corruption investigations simply by subjecting others to the same process. As the chief executive who controls billions in confidential and intelligence funds with zero transparency requirements, Marcos bears ultimate responsibility for the culture of corruption that has flourished under his watch” giit ni Tinio.
“Ang mga Marcos at Duterte ang dapat unang sumalang dito,” wika naman ni Co,
“Hindi puwedeng mag-demand ng transparency kung ikaw mismo ay ayaw magpakita ng yaman at transaksyon.”
“We challenge President Marcos to publicly disclose his own Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), which he has consistently refused to make transparent. “Sa totoo lang mabibilang lang sa kamay ang naglalabas ng SALN na opisyal,” ani Co .
Matagal nang tumatanggi si MarcosJr. na ilabas ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), isang batayang rekisito ng pananagutan.
“Sa totoo lang, mabibilang sa daliri ang mga opisyal na naglalabas ng SALN,” dagdag ni Co, na tumutukoy sa mas malawak na kultura ng pagtakip.
Hindi lang aniya ito tungkol sa mga tiwaling opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang flood control scandal ay sintomas ng bulok na sistema.
Ang mga proyektong lalong nagpabaha sa mga komunidad ay patunay ng gobyernong inuuna ang interes ng iilan kaysa kapakanan ng publiko.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha,” sabi ni Marcos. Pero ayon sa Makabayan bloc, ang hiya ay dapat magsimula sa itaas—sa isang Pangulo na ayaw managot.
“We note the irony of Marcos declaring “Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha” while his own family’s ill-gotten wealth remains unaccounted for and his administration continues to burden the Filipino people with crushing debt and failed infrastructure projects,” binigyan diin ng Makabayan bloc. (ROSE NOVENARIO)