Binatikos ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “strategic victory” na umano laban sa New People’s Army (NPA), matapos iulat ang siyam na nasawing sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa sunod-sunod na engkwentro nitong Agosto.
Sa isang kalatas ay sinabi ni Marco Valbuena, tagapagsalita ng CPP, naganap ang mga sagupaan sa Mindoro, Albay, at Capiz, ilang linggo lang matapos igiit ni Marcos sa kanyang State of the Nation Address na “wala nang natitirang guerrilla groups sa bansa.”
Batay sa datos ng CPP, sa Baco, Oriental Mindoro noong Agosto 9–12, limang sundalo ang napatay, isa rito nalunod habang tumatakas at tatlo ang nasugatan.
Sa Ligao City, Albay noong Agosto 21, tatlong sundalo ang napatay sa ambush ng mga Pulang mandirigma ng NPA.
Habang sa Tapaz, Capiz noong Agosto 23, isang sundalo ang napatay at isa pa ang nasugatan sa sagupaan.
Dagdag ni Valbuena, “Mula nang mag-SONA si Marcos, sunod-sunod ang armadong engkwentro sa Quezon, Mindoro, Albay, Northern Samar, Capiz, Lanao del Norte, at Bukidnon. Mismong ulat ng AFP ang sumisira sa ilusyon ng Pangulo.”
Kinondena ng CPP ang AFP sa paglulunsad ng “malawakang opensiba” na may kasamang pambobomba mula sa ere gamit ang mga jetfighter at howitzer na suportado ng Estados Unidos. Ayon sa CPP, hindi nito napuksa ang kilusan—bagkus, lalong tinakot at pinahirapan ang mga komunidad sa kanayunan.
“Sa totoo lang, pinapahiya ng AFP ang kanilang commander-in-chief. Patuloy pa rin ang operasyon ng mga yunit ng NPA sa iba’t ibang panig ng bansa, kahit pilit nilang tawaging ‘ospos’ o ‘mahina,’” ani Valbuena.
Bagama’t inamin ng CPP na may nasawi rin sa kanilang hanay, hindi nila binanggit ang eksaktong bilang.
Sinabi ni Valbuena na naka-alerto ang mga mandirigma ng NPA at nagsasagawa ng mga taktikal na maniobra upang makaiwas sa opensiba ng AFP.
Binalaan niya si Marcos Jr. na inuulit lang nito ang pagkakamali ng mga nakaraang rehimen, nagdedeklarang tapos na ang rebolusyon habang binubulag ang sarili sa ugat ng armadong paglaban.
“Hangga’t nananatili ang kahirapan, kawalan ng hustisya, gutom, tiraniya, at pasistang panunupil, lalaban at lalaban ang mamamayan,” giit ng CPP. (ROSE NOVENARIO)