Fri. Aug 7th, 2026

Nagulat at nagtaasan ang kilay ng mga residente ng Las Piñas matapos ihayag mismo ni dating Sen. Cynthia Villar na ang kontrobersyal na Las Piñas–Zapote–Molino Riverdrive ay may habang 40 kilometro, isang detalyeng ngayon lamang nalaman ng publiko.

Sa kanyang opisyal na Facebook account, sinabi ni Villar na may tatlong phases ang naturang proyekto, na bahagi ng ₱2.5 bilyong flood control project sa lungsod na umabot na ng 10 taon ngunit nananatiling hindi pa rin tapos.

Sinimulan ang proyekto noong 2012 sa inisyatiba ni Villar, ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ni noo’y Kalihim Mark Villar, at sinuportahan ng dating Kongresista ng Las Piñas na si Camille Villar.

Ayon kay Villar, ang 1st Phase ay ang 20-kilometrong Zapote Riverdrive na nagsilbing alternatibong ruta para maibsan ang trapiko at makatulong sa pagpigil ng pagbaha sa kahabaan ng Zapote River at Zapote–Alabang Road.

Ang 2nd Phase ay ang 10-kilometrong Las Piñas Riverdrive, na aniya’y nagpalakas sa flood control at nagpaayos ng daloy ng tao at sasakyan sa mga mataong barangay.

Samantala, ang 3rd Phase ay ang kasalukuyang ginagawa na 10-kilometrong Molino Riverdrive, na mag-uugnay sa Daang Hari Road sa pamamagitan ng Barangays Molino III at VI sa Bacoor, Cavite, patungo sa Zapote River at kalaunan sa Manila Bay.

Alam ng mga orihinal na residente na ang Las Piñas ay may dalawang pangunahing ilog: 12.6-kilometrong Las Piñas River at 18.3-kilometrong Zapote River, na magkakaugnay at may kabuuang 25.1 kilometro ng mga sanga o tributaries.

Nagimbal ang ilang concerned citizens nang aminin ni Villar na ang bawat bahagi ng Riverdrive ay “higit pa sa isang kalsada,” isang pahayag na umano’y indikasyon na tinakpan at ginawang konkretong daan ang bahagi ng ilog, na ipinagbabawal sa batas.

Napuna ni Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos na hindi binanggit ni Villar ang halaga ng bawat phase ng proyekto, na sinimulan pa noong 2012 at hanggang ngayon ay hindi pa tapos.

Hindi rin inihayag ni Villar sa kanyang FB post kung sino-sinong contractor ang naka-corner ng kontarata sa nasabing mulit-billion project.

Giit ni Santos, dahil mahigit isang dekada na ang tinagal ng konstruksyon, posibleng hindi lang ₱2.5 bilyon ang nagastos, kundi maaaring umabot na sa halos ₱5 bilyon, lahat mula sa buwis ng mamamayan.

“Maraming residente ang nagtatanong kung ito ba’y tunay na flood control project o access road para sa mga negosyo ng pamilya Villar,” ani Santos.

Dagdag pa ng mambabatas, sa loob ng tatlong dekada na may apat na miyembro ng pamilya Villar na nakaupo sa Senado at Kongreso, wala umanong naipatupad na pangmatagalang programa para sa rehabilitasyon ng ilog o epektibong waste management.

Ayon kay Santos, wala ring malinaw na public consultation o audit report para sa mga proyektong pinondohan ng bilyon-bilyong piso mula sa DPWH.

“Naging isyu rin ang pagtatayo ng mga pribadong daan at non-standard infrastructure na hindi nakikinabang ang karamihan sa mga residente,” dagdag ni Santos.

“Lumabas ang mga tanong ukol sa conflict of interest sa pagitan ng mga pampublikong proyekto at real estate developments ng pamilya Villar sa bay area ng southern Metro Manila,” aniya pa.

“Maraming kalsadang itinayo sa ilalim ng flood control projects ang tila mas may silbi sa access ng private businesses kaysa sa mga residente,” aniya.

Sa kasamaang-palad, at gaya rin ng itinayong Riverdrive ng DPWH sa Las Piñas at Bacoor, ipinagbabawal ang mga motorsiklo at bisikleta na dumaan sa Villar Avenue at pumasok sa Villar City, sabi ng mga motorista. (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *