Fri. Aug 7th, 2026

Mariing tinutulan ni International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Khan ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na siya ay alisin sa kasong may kaugnayan sa umano’y crimes against humanity.

Sa isang 13-pahinang dokumento na may petsang Agosto 18, iginiit ni Khan na maingat niyang sinuri ang mga pangyayari at naniniwala siyang walang sapat na batayan para sa kanyang diskwalipikasyon.

“The Prosecutor is presumed to be impartial. On 16 June 2021, the Prosecutor took a public oath of office, undertaking to perform his duties impartially. The threshold to disqualify the Prosecutor must be a high one to safeguard the interests of the sound administration of justice,” aniya.

Binigyang-diin din ni Khan na wala siyang nalalamang naunang kaso na kinuwestiyon ang kanyang pagiging patas dahil sa dating partisipasyon sa mga proseso bilang kinatawan ng mga biktima.

Ayon sa dokumento, ang kanyang dating papel sa Pilipinas ay hindi sapat upang pagdudahan ang kanyang pagiging patas, at hindi rin ito dahilan para isipin na may nabuo na siyang opinyon na makaaapekto sa kanyang mandato.

Dagdag pa niya, may mga international tribunal na humirang ng mga prosecutor na may dating kaugnayan sa mga imbestigasyon, kaya’t hindi ito dapat ituring na conflict of interest.

Sa ilalim ng Rule 33, sinabi ni Khan sa Pre Trial Chamber I na wala siyang conflict of interest na mag-uudyok sa kanya upang kusang bumitiw sa kaso.

Gayunman, bukas siya sa pagsusuri ng kanyang posisyon habang umuusad ang mga proseso, at handang magsumite ng karagdagang dokumento kung kinakailangan.

“Accordingly, and unless further direction or order is received from the Pre Trial Chamber I, the Prosecutor hereby respectfully notifies the PTC that he intends to lead the prosecution of any case arising out of the situation in the Republic of the Philippines,” the document further states,” ayon pa sa dokumento.

Matatandaang iginiit ng kampo ni Duterte na si Khan ay may “malubhang conflict of interest” na hindi niya isiniwalat, kaya’t dapat siyang agad na alisin sa anumang papel sa kaso.

Sinabi ni Nicholas Kaufman, abogado ni Duterte, si Khan ay nagsilbing pribadong abogado noong 2018 para sa mga biktima ng “an alleged policy of extra-judicial drug-related killings in the Philippines.”

Noong Mayo, pansamantalang humiwalay si Khan sa kanyang tungkulin habang papalapit sa konklusyon ang imbestigasyon ng United Nations kaugnay ng alegasyon ng sexual misconduct laban sa kanya.   (ROSE NOVENARIO)

By admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *